Sino ang dapat nating ihalal?

    337
    0
    SHARE
    Ngayong ang ihip ng hangin ay nagbago
    Kay Mayor Duterte sa pagbawi nito
    Ng CoC niya sa muling pagtakbo
    Bilang city mayor ng Davao, at heto

    Biglang kumambyo sa pagka-Presidente
    At ang CoC niyan sa pagka-Alkalde
    Ay binawi nga n’yan sa Comelec pati,
    Nang mag-file muli siya ng bagong CoC.

    Malamang gaya rin ni Poe di malayong
    Ang pagkandidato ng butihing Mayor
    Ng Durian Capital ng Bansa ay pihong
    Higit pa sa kasong disqualification

    At ibang bagay na posibleng magawa
    Nitong kay Digong ay takot sumagupa
    Sa pam-Panguluhan, na inaakala
    Nilang epektibo at ikasisira

    Ng kandidatura ng taong naturan,
    Di malayong pati ang mannerism n’yan
    Na bukambibig na pagmumura minsan,
    Tiyak, gagamitin ng mga kalaban.

    Lalo’t ngayong base sa ‘survey’ po yata
    Ng SWS ay si Duterte nga
    Itong nangunguna – saan sa akala
    Natin patungo ang nangulelat bigla?

    Partikular na r’yan ang manok ni PNoy
    Na pang-apat lamang sa ‘survey’ na iyon?
    Yan ay tanda lang na ang Administrasyon
    ‘Loser’ tiyak sa darating na eleksyon!

    Pagkat dahil na rin sa biglang pagtingkad
    Ng anak ni ‘Da King’ sa kabubulatlat
    Ng kung anu-ano para lang umatras
    O mabale-wala ay lalong lumakas.

    Kasi nga, kapagka’ naging ‘talk of the town’
    Ang kahit sinuman, yan imbes mai-down
    Ng iba sa nais marating ay lalong
    Di mapigil ang pag-igkas n’yan pasulong.

    At ganun din naman si Mayor Duterte
    Sa pagkambyo nito sa pagka-Presidente,
    Yan ay tiyakan ding uulanin pati
    Ng kontrobersya na lalong matitindi.

    Dala nitong sila’y parehong ‘threat’ kina
    Mar Roxas at Binay sa pagtakbo nila,
    Liban sa iba pang posibleng manguna,
    Na maaari din namang bumandera.

    Hindi sa si Grace ay ipinaglalaban
    Ni ‘yours truly’ para maging Pangulo yan,
    Pagkat tayo bilang mga Kapampangan
    Kay Poe, baka wala tayong maasahan

    Na si Ate Glo ay mapalaya agad,
    Nang dahil na rin sa pagkatalo ng Dad
    Ng ‘anak’ ni Susan, at posibleng resbak
    Sa ating Kabalen ang ibunga’t sukat.

    Kaya kung ako ang siyang papipiliin
    Sa dapat ihalal ‘comes year 2016,’
    Ay ‘yong ngayon palang nakikita nating
    Posibleng maglingkod ng tapat sa atin.

    At di itong gaya r’yan ng inamag na
    Sa gobyerno pero aywan kung ano na
    Ang nagawa habang nasa puesto sila,
    Liban sa mag-waldas ng pera ng Masa?!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here