Ang mga naglalahong sinaunang sining na itinampok sa paglulunsad ng programang “Meet Me in Bulacan” ay ang paglalala ng buntal o buntal weaving ng Baliuag, paggawa ng singkaban, paggupit ng mga pastillas wrapper o pambalot ng pastillas, at ang puni art o ang paglalala ng dahon ng niyog upang gawing pangdekorasyon.
Maging ang mga sining ng pagdidisensyo ng alahas, pagluluto sinaunang pagkain, pagtatatak sa t-shirt ay binigyan din ng pagkilala sa nasabing paglulunsad na sinaliwan ng mga sinaunang sayaw na hinangaan ng mga nagsidalo.
ety-Bulacan chapter, lubhang mahalaga ang inisyatiba ng SM Supermalls sa pagsusulong ng turismo sa lalawigan dahil ito ay isang hakbang patungo sa pagpapanatiling buhay ng mga sinaunang sining.
“Mahalaga ang mga ganitong gawain at proyekto na nagsusulong ng kultura, sining at kasaysayan ng lalawigan, dapat lang naman kasi na ang mga folk arts na ito ay maitanghal, kasi katulad niyan, matatanda na sina Mang Kiko (Francisco Eligio ng Hagonoy) at Nanay Luz (Ocampo ng Malolos), kapag nawala sila, sino ang magpapatuloy?” ani Corpuz.
Idinagdag pa ni Corpuz na dapat ay magkaroon ng mga partnership o pagsasama-sama ang ibat-ibang grupo para sa preserbasyon ng mga sinaunang sining.
“Kailangan, in partnership katulad ng SM, katulad ng media, dapat magtulong-tulong tayo at gumawa ng mga pamamaraan kung paano natin maipi-preserba at maiingatan upang ang susunod na generation ay maabutan pa nila ang mga ito,” ani Corpuz.
Iginiit pa ni Corpuz na malaking tulong ang ginawa ng SM Supermalls para sa mga sinaunang sining ng Bulacan dahil marami ang nakakita nito.
Inayunan din ito ni Engineer Dennis Martel, ang mall manager ng SM City Marilao na nagsabing isang maliit na kontribusyon nila sa Bulacan ang pagtatanghal ng mga sinaunang sining ng lalawigan sa pamamagitan ng kampanyang “Meet Me in Bulacan.”
“Ito yung project ng marketing group namin para buhayin yung turismo at kultura ng isang bayan through the SM Mall, so, ang ginawa natin ay ininvite natin yung mga master craftsman at artist na i-advocate yung tourism and culture through their works,” ani Martel.
Iginiit pa niya na marami ang nagandahan sa kanilang proyekto dahil sa ang SM Supermall na ang naglalapit sa mga tao ng mga sining at kulturang hindi basta nakikita.
Ayon kay Martel, umaasa sila sa pamamagitan ng kanilang kampanyang “Meet Me in Bulacan” ay higit na makakatulong sa muling pagpapasikat o popularisasyon nito.
Bilang patunay, ikinuwento niya na maraming Bulakenyo ang nagpakuha ng larawan sa tabi ng mga nakadisplay na sinaunang sining ng Bulacan, na maari namang i-post sa internet lalo na sa mga social networking sites.
“Kanina, me inabutan kaming nagpapa-picture, ginagawang background, so makikita mo dito na parang east meets west na nagpapapicture sa gumagawa ng buntal, ipo-post naman nila sa kanilang mga Facebook. So, siguro doon nagsisimula, kapag nakita ng ibang tao, o mayroon pa palang ganoong gawain sa Bulacan. Sana mabuhay uli para ma-jumpstart yung interest sa culture,” ani Martel.
Ikinagalak naman nina Eligio at Ocampo, Rosie Decasa ng Baliuag, at Rheeza Santiago-Hernandez ang programa ng SM Malls.
Si Eligio ay ang itinuturing na maestro sa paggawa ng singkaban sa bansa, samantalang si Ocampo ang maestra sa paggupit ng papel de hapon na ginagawang pambalot ng pastillas.
Si Decasa naman ang muling nagpasikat ng buntal weaving ng Baliuag, at si Santiago-Hernandez at kasapi ng Puni Art Group ng Malolos.