Home Opinion Simbahan ng mga dukha, para sa mga dukha

Simbahan ng mga dukha, para sa mga dukha

1160
0
SHARE

SIMULAN NATIN ang unang bahagi sa isang kuwentong isinulat ng Amerikanong awtor na si Mark Twain “Ang Prinsipe at ang Pulubi”.

Sa isang malayong bayan, may isang batang pulubi na di-sinasadyang nakatagpo ang isang batang prinsipe sa may bakuran ng palasyo. Naging matalik na magkaibigan ang dalawa. Dahil sila’y magka-edad at malapit ang pagkakahawig sa isa’t isa, iminungkahi ng prinsipe sa kaibigang pulubi na magpalitan sila ng kasuotan. Bukod sa ibig maranasan ng prinsipe ang buhay sa labas ng palasyo, gusto rin niyang iparanas sa bagong kaibigan ang maginhawang buhay ng isang prinsipe. Kaya nagkabaligtad ang kanilang mga daigdig.

Doon sa labas ng palasyo, naranasan ng batang prinsipe ang lahat ng pinagdaanan ng kaibigan niyang batang pulubi—ang hirap, gutom at kalupitan. Naranasan din niya ang pagmamagandang-loob ng ilang tao, lalo na ng isang sundalong papauwi sa palasyo, galing sa giyera. Kilala niya ang sundalong ito ngunit hindi siya nakilala ng sundalo.

Mabilis na nagdaan ang isang taon. Minsan isang araw, umugong ang balita sa buong kaharian na ang Hari ay namatay na. Naging balita rin ang tungkol sa paghahanda ng buong bayan para sa pagluluklok sa trono ng magiging tagapagmana ng korona bilang bagong hari. Noon minabuti ng tunay na prinsipe na umuwi. Halos ipagtabuyan siya ng mga bantay nang sinikap nito na pumasok sa palasyo, ngunit mabilis na nakilala siya ng kanyang kaibigan.

Nabigla ang lahat nang kusang ilipat ng kaibigan ang suot nitong korona— sa ulo ng tunay na prinsipe na inakala ng lahat ay pulubi. Namangha rin silang lahat nang makita nila sa daliri ng pulubi ang singsing na nagtataglay ng selyo ng kaharian. Ito ang nag-iisang bagay na itinago ng prinsipe nang makipagpalitan siya ng lugar sa kaibigang pulubi. Ito rin ang nagsilbing patunay na siya nga ang totoong tagapagmana ng trono. Kaya ang lahat ay biglang lumuhod sa harapan niya nang makita ito. Kinilala siya at itinanghal bilang bagong hari ng buong kaharian.

Sa harapan ng lahat, kinilala ng bagong hari ang sundalong nagmalasakit sa kanya noong nasa labas pa siya ng palasyo. Nasorpresa ito nang gantimpalaan siya ng bagong hari at gawin siyang heneral. Noon lang siya namulat na ang batang palaboy pala na minsa’y tinulungan niya ay ang tagapagmana ng trono ng kaharian. 

Nabigla rin ang kaibigan na nakapalitan niya ng lugar. Handa na sana itong bumalik sa pagka-pulubi nang italaga siya ng bagong hari bilang punong ministro ng kaharian upang tulungan daw ang hari sa pagtataguyod ng isang kahariang patas at makatarungan, mag-aangat sa kalagayan ng mga dukha at kapus-palad.

Hindi ako magtataka kung ang popular na kuwentong ito ni Mark Twain ay humugot ng inspirasyon sa ebanghelyong narinig natin ngayong araw ng kapistahan ng Kristong Hari. 

Di ba’t ayon sa ebanghelyo, sa bandang dulo ng kuwento, nasorpresa daw ang mga matuwid na ang dukha kanilang pinagmalasakitan ay walang iba kundi ang Hari mismo. Sa kuwento ni Mark Twain, isang haring kusang bumaba sa trono, naghubad ng dangal ng maharlika at nakipagpalit ng lugar sa isang kapus-palad upang maranasan ang mga pinagdaraanan ng mga nagugutom, nauuhaw, hubad, palaboy, maysakit, at bilanggo sa lipunan. Siya ang mamumuno, kasama ng mga nakakikilala sa kanya, upang ang maghari sa daigdig ay habag, malasakit, katarungan at kasaganaan para sa lahat.

Sa 2 Cor 8:9, isinulat ni San Pablo, “Sapagkat alam ninyo ang biyayang ipinakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na bagamat mayaman ay nagpakadukha alang-alang sa atin, upang sa pamamagitan ng kanyang kahirapan ay maging mayaman tayo.” Siya ang Anak ng Diyos na nakipamuhay sa atin bilang Anak ng Tao, siya na naghubad ng kanyang dangal hanggang kamatayan sa krus ay itinaas at itinampok, upang sa ngalan niya ang sanlibutan ay lumuhod upang ipahayag na siya ang Panginoon, ang Hari ng Sanlibutan. (Filipos 2:6-11) Siyang Anak ng Diyos ang kusang loob na nagpakumbaba upang maiangat ang dangal ng mga tao sa pagiging mga anak ng Diyos.

Ang misyon ni Kristo ay misyon din ng Simbahan na sa bisa ng kaloob na Espritu Santo sa binyag ay kumakatawan sa kanya. Hindi ba’t ito rin ang isa sa mga adhikain ng PCP2? Ang maging isang simbahan ng mga dukha para sa mga dukha? Simbahang ang hangad ay maghatid ng buhay na ganap, katulad ng layunin ng Anak ng Diyos sa hatid niyang Mabuting Balita?

(Unang bahagi ng sulat pastoral sa paglulunsad ng Diocesan Synodal Pastoral Planning (DSPP) sa Diocese of Kalookan at pagninilay sa ebanghelyo ng kapistahan ng Kristong Hari, 26 Nobyembre 2023) 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here