Simbahan, militante, mag-aaral nagkilos-protesta laban EJK

    606
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS — Nagsama-sama ang Simbahang Katolika, mga militanteng grupo at mga mag-aaral ng senior high school sa Bulacan para sa panawagang ihinto ang malawakang pagpatay o EJK sa bansa.

    Matapos ang misa sa Barasoain Church ay nagsipagsindi ng sulo ang mga ito bilang simbulo sa panawagang maliwanagan ang taumbayan sa nagaganap na mga patayan sa bansa, habang hawak ang kanilang mga banner at placard na nagsasaad ng “Stop the Killing” at “Trabaho hindi Patayan.”

    Ayon kay Boy Alban, presidente ng Kilusan ng Meycauyan, halos lahat ng grupong mga militante sa Bulacan ang kanilang kasama at pati ang kabataan dahil halos lahat daw ng napapatay ngayon ay puro kabataan kaya kanilang kinokondena ang ganitong pangyayari na matigil na.

    Ayon naman kay Jessa Espejo, alam nila ang ginagawa nilang kilos protesta at nauunawaan nila dahil katulad daw ng pagpatay kay Kian delos Santos hindi nila matanggap na walang kaalam-alam ang kapulisan dito.

    Ayon kay Fr. Efren Vasco na nanguna sa isinagawang misa dapat daw itigil na ang war on drugs dahil puro mga dukha ang nagiging biktima at dapat ding igalang ang kasagraduhan ng buhay ng tao na panawagan ng simbahan lalo na ng pamunuan ng kanilang diosesis.

    Higit daw daw sa Bulacan kung saan 32 ang napatay sa One Time Big Time operation ng PNP sa Oplan Tokhang. Kaya’t panawagan din ng simbahan sa kapulisan sa misa para sa kapayapaan at katarungan na tuparin ang sinumpaang tungkulin sa batas na maging tapat sa kanilang sinumpaan sa Dyos at sa batas at taumbayan.

    Dagdag pa ni Vasco na nakasuporta sila sa pagpaparehab ng mga gustong magbagong buhay na nalulong sa droga at nagpaalala na wala namang maidudulot na maganda ang iligal na droga.

    At panawagan naman nya sa administrasyong Duterte na panahon na upang magkatulungan bilang isang tao, isang bansa at simbahan na ituwid ang mga mali at iayon sa batas at katarungan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here