Home Headlines Silya, paso mula sa basurang plastik

Silya, paso mula sa basurang plastik

857
0
SHARE

TALAVERA, Nueva Ecija — Sinimulan na ang operasyon ng P6-milyong plastic recycling facility ng pamahalaang bayan sa ecological solid waste management park nito sa Barangay Bagong Silang nitong Lunes.

Sinaksihan ng mga opisyales ng bayan sa pangunguna ni Mayor Nerivi Martinez at administrator Nerito Santos ang paggawa ng unang silya o school chair mula sa plastic sa pamamagitan ng recycling machine.

Paliwanag ni Martinez, sa pamamagitan ng pasilidad ay magagawang silya, bricks, paso, at iba pang magagamit na bagay ang mga plastic na nalilikom sa kanilang material recovery facility.

Alinsunod rin aniya ito sa kanilang zero waste campaign.

Ayon kay Martinez, tinatayang 10 porsiyento ng 10 toneladang basura na nakukulekta sa araw-araw ay plastik.

Ang nga residual waste naman ay dinadala sa Metro Clark Waste Management Landill sa Capas, Tarlac.

Ipinakita ni Martinez na mula sa dating mabaho at malangaw na open dumpsite ay maayos at walang mabahong amoy na ang pasilidad.

May kabuuang anim na ektarya ito na idineklarang solid waste management park at gagawing bukas para sa mga estudyante.

“Merong MRF, meron siyang forest, meron siyang zoo, merong lugar para sa agriculture na may iba’t ibang pananim,” ani Martinez.

Ang Talavera na isa sa pinakamalaking bayan ng Nueva Ecija ay kasalakuyang dinadagsa ng mga malalaking negosyo tulad ng mga mall at department stores.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here