Binobomba ng tubig ng mga pamatay sunog ng SBMA at Olongapo City Fire Department ang dambuhalang apoy na tumupok sa Kong’s Hotel and Restaurant sa Magsaysay Drive, Olongapo City. Kuha ni Johnny R. Reblando
LUNGSOD NG OLONGAPO — Tinatayang aabot sa milyon pisong halaga ang naabo nang lamunin ng apoy ang pinakamatanda at sikat na restaurant at hotel sa kahabaan ng Magsaysay Drive dito Martes ng umaga.
Sa paunang pagsisiyasat ng Olongapo City Fire Department nagsimula ang apoy sa ikatlong palapag ng Kong’s Hotel and Restaurant at mabilis itong kumalat sa buong gusali dahil ito ay yari sa kahoy.
Ang sunog ay nagsimula pasado alas-9 ng umaga na umabot sa ika-4 na alarma at pinagtulung-tulungan itong apulahin ng mga pamatay sunog ng Olongapo City at SBMA.
Hindi naman nadamay ang katabi nitong Wimpy’s restaurant at ang PAGCOR na nataranta sa pagsalba sa kanilang mga gamit.
Ayon kay City Fire Marshall, Chief Inspector Jonas Silvano, inaalam pa nila ang eksaktong halaga ng naabong ari-arian at ang pinagmulan ng sunog.