Sikat II, binabantayan ng mga kalaban

    265
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Binabantayan ngayon ng higit na mauunlad na bansa ang Sikat II ng Pilipinas na isasali sa 2011 World Solar Challenge sa Australia sa Oktubere 16 hanggang 23.

    Ito ay sa kabila na ang Pilipinas ay isa sa mga pinakabagong bansa na yumayakap sa teknolohiya ng paggamit ng enerhiya mula sa araw o solar energy.

    Bukod dito, higit na mas maunlad kaysa Pilipinas ang mga bansang kalahok sa taunang karera tulad ng Netherlands, Estados Unidos, mga bansa sa Europa, Japan, China, Singapore, Australia, Inglatera at Turkey.

    Ayon kay Harold Geronimo, public relations officer ng Philippine Solar Car Challenge Society Inc., (PSCCSI), maging ang Nuon Solar ng Netherlands ay binabantayan ang mga kaganapan sa Sikat II, ang ikatlong solar car ng Pilipinas, at ikalawa na isasali sa taunang karera.

    Ang koponang Nuon Solar ang tinanghal na kampeon sa 2010 World Solar Challenge, kaya’t may pagmalalaking inilathala nito sa kanilang website ang mga katagang “back for gold.”

    “Binabantayan nila tayo, maging ang Twitter account ng Sikat II ay sinusundan nila,” ani Geronimo patungkol sa Nuon Solar.

    Ang pahina ng Sikat II sa Twitter.com ay karaniwang pinaglalathalaan ng PSCCSI ng mga kaganapan sa Sikat II.
    Ayon kay Kack Catalan, maraming dahilan kung bakit may pangamba ang ibang bansa sa lahok ng Pilipinas. Si Catalan ay isang guro sa De La Salle University at team leader ng grupo na bumbuo sa Sikat II.

    Isa sa pangunahing dahilan ayon kay Catalan ay ang magandang performance ng Pilipinas sa nasabing karera noong 2007 kung kailan ay inilahok nila sa karera ay ang Sinag.

    Ang Sinag ay ang kauna-unahang solar car ng bansa, at kauna-unahang ding naging lahok ng bansa sa nasabing karera.

    Sa kabila ng pagiging baguhan, nakuha ng Sinag ang pang-12 puwesto sa karera na ang lumahok ay umabot sa 40 koponan.

    “I know what they are thinking,” ani Catalan,” iniisip nila that we are doing something good here.”

    Bukod sa magandang performance ng Pilipinas sa unang pagsali sa nasabing karera, sinabi ni Catalan na ang Pilipinas ang gumagawa ng isa sa pinaka-episyenteng solar cell sa mundo.

    Ito ay ginagawa ng SunPower, isang kumpanyang Pilipino na naka-base sa Laguna at Batangas.

    “SunPower’s products are one of the best in the world in terms of efficiency,” ani Catalan.

    Ipinaliwanag niya na bawat isang piye kuwadrado ng solar cells ng SunPower  ay higit na enerhiya ang naipapasok sa lithium ion battery.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here