MALOLOS—Itaas ang presyo ng palay.
Ito ang sigaw ng mga magsasakang Bulakenyo sa National Food Authority (NFA) dahil hindi sapat ang P17 bawat kilo na ibinabayad ng gobyerno sa kanilang aning palay.
Kaugnay nito, inihayag ng isang opisyal ng NFA-Bulacan na sa kasalukuyang ay umaabot sa P20 ang bilihan ng palay sa lalawigan dahil sa halos walang mabili.
“Lagi kaming talo kapag mga commercial traders ang bumili ng palay namin dahil sa napakababa ng bili nila,”ani Melencio Domingo, tagapangulo ng Malolos City Agriculture and Fisheries Council (MCAFC).
Ayon kay Domingo, ang presyong iniaalok sa kanila ng mga commercial trader ng palay ay karaniwang nakabase sa P17 na alok ng NFA na tinatawag ding government support price.
Ang presyong ito ay itinakda ng NFA upang hindi mapigilan ang mas mababang alok ng mga commercial trader sa nasabing presyo.
Ito ay itinakda ng NFA may apat na taon ng nakakaraan.
“Kung hindi disi-siete ang bili ng traders sa bawat kilo ay mas mataas ng konti, pero mababa pa rin iyon kumpara sa gastos ng mga masasaka,” ani Domingo at sinabing tinatayang aabot sa P25,000hanggang P30,000 ang nagagastos ng magsasaka sa pagtatanim ng palay sa isang ektaryang bukirin.
Sa kabila naman ng P17 presyo bawat kilo na itinakda ng NFA sa palay, ibinunyag ni Domingo na iilang magsasaka lamang ang nakakatanggap ng ganoong halaga kapag nagbenta sa NFA.
Ito ay dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng alituntunin sa pagbili ng palay.
Inayunan din ito ng mga magsasaka ng palay sa mga bayan ng Angat, Balagtas, Plaridel at San Rafael.
“Pag dumaan sa classifier ng NFA ang palay, kahit konting basa lang at konting itim lang sa ipa ang makita, binabawasan na ang presyo,” ani Marangal Ruiz ng Balagtas.
Inayunan din ito ni Emelito Cruz ng Angat na nagsabing, nahihirapan silang magbenta ng palay sa NFA.”
Dahil dito, hiniling nila sa NFA na taasan ang government support price para sa farmgate price palay.
“Dapat ay minimum na P20 per kilo” ani Cruz.
Iginiit naman ni Domingo ang isa pang malaking problema sa kalagayan ng mga magsasaka hinggil sa pagpepresyo ng kanialng ani.
“Bakit yung mga gumagawa ng fertilizer, sila ang nasusunod sa presyo ng kanilang produkto, pero sa magsasaka, ang nasusunod sa presyo ng palay ay mga traders,” aniya.
Kaugnay nito, sinabi ni Eduardo Camua,isang opisyal ng NFA-Bulacan na ang kasalukuyang bilihan ng palay sa lalawigan ay umaabot sa P20 bawat kilo.
Ito ay dahil sa halos walang mabiling palay dahil panahon ng tag-ulan o lean months.