LUNGSOD NG BALANGA — Kapuna-puna na iilan lamang sa maraming tindahan ng gulay sa public market dito ang may panindang sibuyas ngayong Disyembre 27, at kung may itinitinda man ay maliliit na pulang sibuyas lamang dahil daw sa kamahalan nito.
Sinabi ng ilang tindera na kaya maliliit ang sibuyas ay hindi pa panahon ng anihan ay inaani na ito dahil sa mataas na presyo.
Ayon kay Annalou Bartolome, ang bentahan ng pulang sibuyas ngayon ay P500 ang isang kilo samantalang ang sibuyas na puti ay P700. “Wala kaming stock dahil hindi namin kaya ang presyo at wala din gaanong supply na dumarating. Noon may dumadating pa pero ngayon talagang wala.”
Sinabi naman nina Gina Puerta at Nitz Abellana na wala silang panindang sibuyas dahil hindi nila kaya ang presyuhan na sobrang mahal. “Hindi namin kaya ang presyo dahil maliit lamang ang aming puhunan at sobrang mahal na pang-mayaman lamang,” sabi ni Puerta.
Maliliit ang sibuyas nila, ani Lucy Sagum, dahil ito ay native at galing sa Nueva Ecija na ngayon lang, aniya, nagtaas ng presyo. “Sibuyas nagtaas ngayon na P500 na kilo na dati ay P380 to P400. Ang puhunan namin ngayon ay P450 na isang kilo. Ngayon lang nagtaas ng ganito.”
“Maliliit ang sibuyas dahil sa mahal nito inaani na kaagad kahit hindi pa anihan,” paliwanag ni Virginia Garcia. Bago pa, aniya, magpasko ay P350 isang kilo ang benta nila pero ngayon puhunan pa lamang ay P450 na ang kilo.
Sa pinagkukunan nila sa Pangasinan at Cabanatuan ay talagang mataas na umano ang presyo ng sibuyas. “Nagrereklamo mga suki ko na sobrang taas kaya ang binibili nila ay dalawa o tatlong piraso na lang kasi ang isang piraso ay P30 – P35 na,” sabi ni Garcia.