MAY KANTANG Cebuano na ang pamagat ay SI FILEMON, SI FILEMON. “Nangisda raw sa karagatan, nakahuli ng isdang tambasakan, iyung tipo ng isda na walang kuwenta. Ibinenta daw niya sa palengke at ang kinita ay sapat lang na pang-inom niya ng tuba.”
Ang narinig nating second reading ngayon ay sulat ni San Pablo kay Filemon—hindi mangingisda. Mukhang isang alagad na mayaman ang dating dahil meron siyang alipin at ninakawan ng maraming pera.
Madalang lang nating marinig ang pinakamaikling sulat na ito ni San Pablo. Hindi ito katulad ng ibang sulat niya na addressed sa mga pamayanan katulad ng Corinthians, Philippians, Thessalonians. Itong sulat na ito ay addressed sa isang tao, isang alagad na ang pangalan ay Filemon. Endorsement letter ang dating, iniindorso kay Filemon ang isang taong ang pangalan ay Onesimo, pangalang Latin na ang ibig sabihin ay “May pakinabang, o maaasahan.”
Sa sulat maiintindihan mo na may atraso kay Filemon si Onesimo. Mukhang ito’y isang taong dating malapit sa kanya at pinagkakatiwalaan niya, pero sinira ang tiwala niya, kaya “wala nang silbi sa kanya at hindi na niya maaasahan.” Mukhang hindi lang niloko si Filemon, ninakawan pa siya ng Onesimong ito. At mukhang ang malaking perang iyon ay ipinagkatiwala lang sa kanya para ihatid kay San Pablo na noon ay nakakulong sa bilangguan. Imbes na makaabot kay San Pablo ang pera, mukhang winaldas niya at di na siya bumalik kay Filemon. Sa kamalas-malasan naman, nahuli si Onesimo ng mga pulis at nakulong siya sa bilangguan at napasama sa selda kung saan naroon si San Pablo.
Doon nakilala niya si San Pablo, nagbago ang ugali dahil sa pakikinig sa pangaral ni San Pablo, nagpabinyag at naging Kristiyano. Nang matapos ang sintensya niya, malaya na sana siya, pero saan siya uuwi? Alam niyang itinakwil na siya ng amo niya. Ah, si San Pablo ang gagawa ng paraan. Uutusan si Onesimo na bumalik kay Filemon, humingi ng tawad at ibigay sa kanya ang edorsement letter. Sino ba si Pablo kay Filemon? Parang tatay niya, isang taong pinagkakautangan niya ng buhay niya, isang guro na iginagalang niya at hindi niya matitiis na hindian.
Sa sulat, ang pakiusap ni Pablo kay Filemon ay ganito, “Alam kong may atraso siya sa iyo. Patawarin mo na sana siya. Tanggapin mo siya hindi na bilang alipin kundi
bilang kapatid—ibig sabihin, kapatid sa pananampalataya.” Isang matinding drama sa tunay na buhay ang laman ng sulat na ito at isa sa mga saksi dito ay si
San Lukas. Kaya tuloy naiisip ko, hindi kaya ito ang dramang naging inspirasyon ni San Lukas para sa Parable of the Prodigal Son? Si San Pablo ang pumapapel na tatay, si Filemon ang kuya, si Onesimo ang bunso na may atraso at nagsasabing, “Kuya, nagkasala ako sa iyo at humihingi ako ng tawad. Kung di mo ako matanggap bilang kapatid, tanggapin mo man lang ako bilang alipin.”
Pero sa endorsement letter na dala niya, malinaw ang hiling ni Pablo kay Filemon: “Tanggapin mo siya hindi bilang alipin kundi bilang kapatid.”
Isang matinding hamon ang sulat na ito kay Filemon para patunayan na isa nga siyang tunay na alagad. Ang punto: ang pagsunod kay Kristo ay di biro.
Ganito rin ang punto ng ating ebanghelyo ngayon: tungkol sa hamon ng pagiging alagad. Kumbaga sa kantang “Magtanim ay di biro,” PAGSUNOD AY DI BIRO.
Sabi ni San Lukas sa simula ng ebanghelyo, maraming tao daw ang sumusunod sa kanya. Ngunit hinarap niya sila at pinagsabihan. Mukhang alam niya na marami sa kanila ay parang natatangay lang sa agos, hindi alam kung ano ang pinapasok nila.
Kaya hinamon sila na parang ganito ang ibig sabihin, “Akala ba ninyo madali ang maging alagad ko? Nakahanda ba kayong tawagin kayong mga “Pasaway sa magulang? Rebelde? Sira-ulo? Panatiko?” Kung hindi, mag-isip-isip muna kayo.
Hindi naman pasyal, party o pagliliwaliw ang pinapasok ninyo. Baka para kayong hari na lumalaban sa giyera pero wala naman palang ibubuga. Baka para kayong nagyayabang na magtayo ng mansion, e ni kubo pala hindi n’yo kayang itayo.”
“Ayaw ko ng bulag na tagasunod o mangmang na alagad na tipong nakikisawsaw lang, sumusulong dahil natatangay pero umaatras sa huling sandali.” Ito ang hamon niya. Di ba parang ganyan din ang sinasabi ng kantang “I beg your pardon, I never promised you a rose garden.”?
Hindi sapat kay Hesus ang talino o kahusayan sa pag-iisip. Kahit ang mga corrupt o tiwali sa lipunan ay mahusay ding mag-isip. Ang tinuturing nilang katalinuhan ay katusuhan, walang kinalaman sa kaharian ng Diyos.
Ang itinuturo ni Hesus ay karunungan ng puso, kakayahang kumilatis, husay sa pakikiramdam, katulad ng sinasabi sa ating unang pagbasa. Kakaibang klaseng galing—kakayahang unawain ang kalooban ng Diyos. Kay Hesus, kasama na rito ang kakayahang magpatawad, magparaya, humarap sa pagsubok na buo ang loob, umako sa pananagutan, manindigan sa tama, totoo at nararapat kahit ipagdusa pa ito o ikamatay.
Ito, para kay Hesus ang ibig sabihin ng maging alagad niya: hindi alipin ng layaw, kundi anak na tunay na malaya.
(Homiliya para sa Ika-23 Linggo ng Karaniwang Panahon, 04 Setyembre 2022, Luk 14: 25-33)