Ang loob ng shabu laboratory sa Subic Freeport. PDEA photo
SUBIC BAY FREEPORT– Sinalakay ng pinagsanib na mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency at Criminal Investigation and Detection Group ang isang shabu laboratory sa loob mismo ng freeport na ito kung saan natimbog ang apat na pulis Olongapo at nakumpiska ang may 300 gramo ng hinihinalang shabu.
Batay sa inisyal na report sa isang radio interview kay PDEA-Central Luzon director Christian Frivaldo, ala-una ng madaling araw ng Biyernes isinagawa ang operation Finback Street, West Kalayaan dito.
Bago ang raid, nagkaroon ng buy-bust operation kung saan nahuli ang isang police asset na nagresulta sa pagkadiskubre sa shabu laboratory na sinasabing may production capacity na isang kilo ng shabu araw-araw.
Ang apat na pulis, ayon pakay Frivaldo, ay nandoon habang isinasagawa ang pagsalakay.
Bagama’t hindi pinangalanan ni Frivaldo sa kanyang radio interview ang mga nasabing pulis habang sumasailalim sa masusing imbestigasyon, isang police report naman ang naglalaman ng mga pangalan.
Kinilala sa report ang mga naarestong pulis na sina Lt. Reynato Basa, Jr., Cpl. Gino De la Cruz, Cpl. Edesyr Victor Alipio, at Cpl. Godfrey Duclayan Parentela. Ang police asset na nahuli rin ay isang Jericho Dabu.
Ayon pa rin sa report, kasama sa mga narekober sa lugar ang 300 gramo ng shabu, mga cellphone, at ibat-ibang laboratory equipment sa paggawa ng shabu. Pati na ang apat na Glock 17, 9mm pistol ng mga pulis namay mga serial number PNP55624, PNP65664, PNP65993, at PNP12606.
Isa ring Honda Civic VTI 1996 model na may plate number UKM 779 ang narekober, at ang “boodle money” na ginamit sa buy-bust .
Ang mga suspect ay nasa custody na ng PDEA NCR at nahaharap mga kasong paglabag sa Section 5, 8 and 11, Article II ng RA 9165.