Home Headlines Serbisyong pangkomunidad itinampok sa Araw ng Lungsod San Jose

Serbisyong pangkomunidad itinampok sa Araw ng Lungsod San Jose

370
0
SHARE

LUNGSOD NG SAN JOSE (PIA) — Itinampok ng pamahalaang lungsod ang iba’t ibang serbisyong pangkomunidad sa pagdiriwang ng ika-54 anibersaryo ng San Jose.

Ito ay alinsunod sa pagkakatatag ng San Jose bilang isang lungsod sa bisa ng Republic Act 6051 noong 1969.

Ayon kay San Jose City Tourism Officer Darmo Escuadro, mas pinagtuunan ng pansin sa pagdiriwang ngayong taon ang pagbibigay ng serbisyo sa kanilang mga nasasakupan, imbis na magsagawa ng mga magarbong kaganapan tulad noong mga nakaraang taon.

Kabilang sa mga serbisyong hatid ng pamahalaang lokal ay ang City Day Job Fair na dinagsa ng mahigit 1,000 job seeker.

Lumahok rito ang mahigit 30 kumpanya at ahensya na nag-alok ng iba’t ibang trabahong lokal at overseas.

Ang naturang aktibidad ay pinangunahan ng Public Employment Service Office (PESO) San Jose katuwang ang Department of Labor and Employment, Department of Migrant Workers, Overseas Workers Welfare Administration, at PESO Nueva Ecija.

Bukod pa dito, naghatid din ang pamahalaang lungsod katuwang ang Professional Regulation Commission, at National Bureau of Investigation ng magkahiwalay na service caravan.

Ayon sa tala ng pamahalaang lokal, hindi lamang mga taga-lungsod ang lumahok sa aktibidad dahil dinayo rin ito ng mga taga-ibang bayan.

Nagbigay naman ng libreng pagpaparehistro ng kapanganakan at libreng pagkuha ng local civil registry documents ang Local Civil Registry Office ng lungsod sa mga nasasakupan nito.

Itinampok ng pamahalaang lungsod ang iba’t ibang serbisyong pangkomunidad sa pagdiriwang ng ika-54 anibersaryo ng San Jose. (San Jose City PIO)

Gayundin, naghatid ng libreng veterinary services tulad ng pagbabakuna at pagkakapon ang City Veterinary Office, habang nagpamigay naman ng mga binhi ng gulay at fruit bearing trees ang City Agriculture Office.

Pahayag ni Escuadro, ito ay pagkakataon ng lokal na pamahalaan na ilapit sa mga nasasakupan nito ang mga naturang serbisyo upang hindi na mahirapan sa pagpunta sa mga lugar kung saan dapat ito isagawa o iproseso.

Samantala, naghandog naman ng samu’t saring regalo ang pamahalaang lokal para sa ‘Oldest Living San Josenians,’ gayundin para sa ‘City Day Babies’ na ipinanganak sa Araw ng Lungsod San Jose.

Maliban sa mga serbisyo at programa, itinampok rin sa Araw ng Lungsod San Jose ang Cultural Dance Competition na nagbigay-linaw sa tema ng naturang pagdiriwang.

Nagbigay rin ng dagdag na kasiyahan sa pagdaraos ang Street Parade, Free Zumba for All, at Boxing Tournament sa lungsod.

Pagbabahagi ni Escuadro, unti-unti rin namang ibabalik ang mga magagarbong kaganapan sa mga susunod na taon. (CLJD/MAECR-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here