LUNGSOD NG MALOLOS –Higit na pinalawak ni Gob. Wilhelmino Alvarado ang serbisyo ng Bulacan Medical Center (BMC) sa pagpapasinaya ng oncology unit nito noong nakaraang linggo.
Ang nasabing oncology unit ay isang hakbang patungo sa pagbubukas ng cancer center ng pagamutan, at karagdagan sa mas naunang binuksang dialysis unit.
Katulad ng dialysis unit ng BMC, tiniyak ni Alvarado na mas makakatipid ang mga Bulakenyong magpapagamot sa bagong oncology unit dahil bibigyan din ito ng subsidiya ng kapitolyo.
“Our oncology unit will have three oncologists or cancer specialists that will attend to the medical needs of cancer patients undergoing chemotherapy,” ani Alvarado.
Bukod sa pagbibigay ng serbisyong medikal, sinabi ng punong lalawigan na ang bagong oncology unit ay magbibigay din ng serbisyo para sa pamilya ng mga pasyenteng may cancer.
“Kasama na rin diyan yung counseling sa pasyente at pamilya para higit nilang maunawaan ang kalagayan ng pasyente at proseso,” ani Alvarado.
Nilinaw niya na ang pagbibigay ng payo sa mga kapamilya ng pasyente ay bahagi ng holistic approach sa medisina.
“Hindi pupuwede yung gamot lang tayo nang gamot tapos ay hindi nauunawaan ng pasyente at kapamilya ang nangyayari,” dagdag pa niya.
Ang oncology unit ay matatagpuan sa ikatlong palapag ng BMC sa lungsod na ito.
Ito ay may anim na upuang tinaguriang “lazy boy” kung saan ay komportableng makakaupo ang pasyente habang ginagamot.
Tinatayang aabot sa 18 pasyenteng may cancer ang magagamot sa oncology unit bawat araw.
Ang nasabing oncology unit ay kauna-unahan sa labas ng Maynila. Inaasahan din ito na maging unang hakbang sa pagtatayo ng mas malaking cancer center ng BMC.
Ayon kay Alvarado, sa mga susunod na buwan ay sisimulan na ang konstruksyon ng cancer center ng BMC sa likod ng bagong gusali nito.
Samantala, sinabi ni Dr. Protacio Badjao, ang director ng BMC na ang cancer ay isa sa limang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga Bulakenyo.
Sinabi niya na malaking tulong ito sa mga Bulakenyong may kanser na gumagastos ng P10,000 hanggang P18,000 para sa katulad na pagpapagamot sa mga pangunahing pagamutan sa kalakhang Maynila.
“Hindi na kailangan pang dumayo sa Maynila o gumastos pa sa pribadong ospital dahil meron na tayong unit dito mismo sa ating lalawigan,” sabi ni Dr. Badjao.
Una rito, binuksan ni Alvarado noong nakaraang taon ang hemodialysis center na matatagpuan din sa BMC.
Mayroon itong sampung dialysis machines at iba pang equipment na maaaring gamitin ng mga pasyenteng Bulakenyo.
“May kamahalan ang bayad ng nagpapa-dialysis subalit bilang tulong ng pamahalaan, maliit lang ang magigiging gastos ng pasyente dito na nagkakahalaga ng P1,400,” sabi ng gobernador.
Bukod dito, pagkakalooban din ng 50 porsiyentong subsidiya ang mga mahihirap na pasyente kung saan P700 kada sesyon na lang ang kanilang babayaran at kung ang pasyente ay may Philhealth card, wala na silang babayaran.
Sa kasalukuyan, patuloy na pinapaganda at ina-upgrade ng kapitolyo ang mga kagamitan at serbisyong medikal sa BMC at sa mga district hospital sa lalawigan.