Home Headlines Serbisyo Caravan sa Masinloc

Serbisyo Caravan sa Masinloc

853
0
SHARE

MASINLOC, Zambales — Mahigit sa 150 mga residente ng Sitio Lilindot, Barangay Sto. Rosario sa bayang ito ang napagkalooban ng serbisyo caravan bilang bahagi ng isinasagawang Retooled Community Support Program (RCSP) sa pangunguna ng DILG at MTF-ELCAC ng Masinloc nitong Oktubre 19.

Punong abala sa serbisyo caravan si Mayor Arsenia J. Lim kasama ang DILG, 3rd Mechanized Infantry Battalion at Situational Awareness and Knowledge Management (SAKM) Cluster ng RTF-ELCAC 3 katuwang ang ibat-ibang ahensiya ng pamahalaan.

Kabilang sa mga serbisyo na naipaabot sa nasabing programa ay libreng medikal at dental check-up, pamimigay ng libreng gamut, pagkuha ng birth certificate at registration sa PSA, pagkuha ng police clearance, pagkuha ng national ID, Covid-19 vaccination, libreng binhi, abono at libreng gupit.

Nagbigay din ng impormasyon tungkol sa panlilinlang, panre-recruit at pang-aabuso ng mga terorista sa ibat-ibang sektor ng lipunan ang SAKM Cluster, kasunod ang pagbibigay ng karanasan ng dating rebelde sa katauhan ni Darlyn Jane Mon bilang patunay sa hirap ng kanyang pinagdaanan noong siya ay nasa loob pa ng kilusan.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Mayor Lim sa pamamagitan ng kanyang kinatawan na si municipal social welfare and development officer Janet Sernadilla ang kahalagahan ng pagpapalaganap ng RCSP sa kanilang lugar upang maipaabot ang mga programa at serbisyo sa mga mamamayan mula sa pamahalaang lokal ng nasabing bayan.

“Kahirapan ang naging dahilan kung bakit nagkakaroon tayo ng insurgency. Kaya naman, isang karangalan at pagkakataon ng LGU-Masinloc ang pagpapatupad ng RCSP kasama ang ibat-ibang ahensya ng pamahalaan sa aming lugar. Sana ito ang magsilbing daan para maging maganda ang ugnayan ng ating mamamayan at ng ating gobyerno. Ang LGU ng Masinloc ay nagbibigay ng mga programa at serbisyo sa mga mamamayan para wala na silang dahilan na magkaroon ng pagkakataon na papanig sa kabila at upang magkaroon tayo ng mapayapang komunidad tungo sa progresibong bayan,” ani Sernadilla.

Nagpasalamat naman ang isa sa mga residente na nabiyayaan ng mga serbisyo sa katauhan ni Mr. Dionisio Rodriguez: “Ako ay nagpapasalamat sa mga ibat-ibang ahensya at lokal na pamahalan ng Masinloc sa pagpunta nila sa aming lugar upang mailapit sa amin ang kanilang mga programa at serbisyo na kung saan ay magbibigay ito ng malaking tulong lalung-lalo na sa mga kagaya naming nangangailangan.”

Samantala, nagpasalamat si Lt. Col. Jeszer M. Bautista. acting commanding officer ng 3rd Mechanized Infantry Battalion sa pagsisikap ng LGU ng Masinloc sa maigting na pagsasagawa ng RCSP sa kanilang bayan.

“Ang inyong pagsisikap ay nagpapakita ng inyong sinseridad sa responsibilidad na inyong ginagampanan batay sa pagpapalaganap ng Retooled Community Support Program. Ang inyong papel na ginagampanan ay nagpapakita na kaisa nyo kami sa pagtataguyod ng kapayapaan at kaunlaran dito sa inyong lugar,” ani Bautista.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here