MASARAP bang damhin sa ating sarili
ang kaya lang tayo nanalo (sinuwerte?)
sa halalan, dahil sa itong INC
ay tayo ang siyang tinangkilik bale?
At batid man nating ito’y hindi sariling
dikta ng konsensya, puso at damdamin
ng mga bumoto kundi nang marahil
sanhi ng utos na di puedeng baliin?
Anong kagalakang ating madarama
ng pagkapanalo kung ito’y sa dikta
nga lamang ng pamunuan ng Iglesia
at hindi ng taongbayan o ng masa?
Kung saan tama at ikaw ay nagwagi
pero di dahil sa patas na pagpili
ng indibidual na marapat pumili,
kundi ang gusto ng lider ang naghari?
Tama bang ang iyong karapatan para
iboto ang gusto ikadena nila
at ipilit itong di mo kursunada,
na sa tingin mo ay di kaaya-aya?
Ang ganyan sa ganang aking paniwala
‘It’s not the peoples will’ kundi kaipala
pagyurak sa ating ‘human rights,’ ika nga
bilang ‘electorate’ sa sariling bansa!
Sa puntong ito ang ‘separation of church
and state’ di kaya natin nilalabag?
‘Yan sa ganang aking sariling panukat
ay tunay din namang di karapat-dapat.
Di ko ninanais pulaan ang alin
pa mang sekta, pero di ba dapat nating
isaalang-alang pati ang ‘peoples will’
gayon din ang tibok ng puso’t damdamin.
Di ko kinokontra ang mga pangaral
ng INC pagkat nasasaad naman
sa ika nga ay Banal na Kasulatan
ang sinasalita ng ibang lider n’yan.
Ang tanging hindi ko lamang masikmura
(bagama’t ito ay di naman masama),
iyan dili’t iba ay ang pagkawala
ng mga kasapi ng kanilang laya
Na iboto nila ang talagang gusto
at ninanais iupo sa puwesto
dangan nga lamang ay di magawa nito
ang sumalungat sa utos ni Manalo.
Sa totoo lang ang Tatay ko at Nanay
ay magkaiba ng sekta ang mga ‘yan;
si Tang – sa INC kasapi; si Inang –
Katoliko; ako – sa Diyos na buhay.
Hanggang sa mawala si Tatay ay dikta
ng INC itong isinapuso niya,
habang si Nanay ang nakagisnan nila
(na magkakapatid) kay Lolo at Lola;
Na malayang tulad ng ibon sa parang,
at di kagaya ng una kong tinuran,
na pati ang ating solong karapatang
pumili ng lider, idinidikta n’yan;
Kaya naman, di ba ‘separation of church
and state’ itong tuwirang nalalabag
sa puntong ang utos ng nakatataas
na lider ang tanging susundin ng lahat?!