Si Mayor Sylvia Austria sa pamamahagi ng libreng binhi ng palay. Kuha sa FB
JAEN, Nueva Ecija – Umaabot sa 8,000 na senior citizens sa bayang ito ang napagkalooban ng tig-dalawang buwang social pension ng pamahalaang lokal sa gitna ng umiiral na modified enhanced community quarantine.
Sa panayam nitong Lunes, sinabi ni Mayor Sylvia Austria na kabuuang P1,000 bawat senior citizen para sa P500 kada buwan na social pension ng munisipyo ang ibinigay sa mga benipisyaryo.
Hiwalay aniya ito sa suporta na nakatakdang ipagkaloob ng national government samantalang binabaka ng bansa ang coronavirus pandemic.
Nakahanda naman ang LGU na patuloy na magkaloob ng suporta sa kanilang mga kababayan hangga’t kinakailangan samantalang sinisikap aniya ng gobyerno na pagkasyahin ang pananalapi nito.
Samantala, ipinaalala ni Austria na bawal pa rin ang pagbili at pag-inom ng alak sa bayang ito alinsunod sa ordinansa na ipinasa ng sangguniang bayan simula pa nang ipailalim ang bansa sa enhanced community quarantine.
“Parang ECQ pa rin naman ito,” paliwanag ng alkalde na kahit MECQ na ngayon ay umiiral pa rin ang mga health protocols.
Sa ilalim ng MECQ na sinimulan nitong May 16 ay ilang uri ng negosyo at establisimiyento ang pinahintulutang magbukas ng National Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases.
Samantala, pinangunahan ni Austria at municipal agriculturist Annie Joson ang pamamahagi ng mga binhing palay mula sa Rice Competitiveness Enhance Fund–Seed Program kamakailan.
Sinabi niya na malaking tulong ang libreng binhi para maiangat amg kita ng mga magsasaka sa gitna ng epekto ng Covid-19 pandemic sa kanilang kabuhayan.