SAN ISIDRO, Nueva Ecija – Tiniyak nitong Huwebes ni Sen. Ramon Revilla Jr. na pagsisikapan niyang maging batas ang pagbababa sa edad na 56 ang senior citizens upang makinabang ang mas maraming Filipino sa benepisyo nito.
Ayon sa senador isa ito sa mga panukala na kanyang tinututukan sa gitna ng pagtutol ng ibang sektor.
Inihayag ito ni Revilla matapos pangunahan ang pamamahagi ng Aid to Indigents in Crisis Situation (AICS) sa bayang ito at sa San Jose City, Nueva Ecija.
May kabuuang 1,711 na mahihirap mula sa siyam na barangay dito at 1,750 mula sa women’s organization na Samakanamare sa San Jose City ang nabiyayaan sa dalawang aktibidad.
Kasama ni Revilla sa bayang ito sina Nueva Ecija 4th Dist. Rep. Emerson Pascual, mga opisyal ng munisipalidad sa pangunguna ni Mayor Florentino Tinio.
Pinasalamatan ni Revilla ang mga opisyal, lalo na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagbibigay ng suporta sa mahihirap.
“Kami po ni Cong. Emeng, pareho naman kaming nasa legislative, nasa Kongreso siya ang kanyang Speaker of the House (Martin Romualdez) ay presidente po ng aming partido. Actually si Cong. Emeng ay partido rin ng Lakas, magkasama po kami,” pahayag ni Revilla pagbibigay-diin sa pagtutulungan nila ni Pascual sa pagsusulong ng panukala.
Sinabi ni Revilla na kabilang sa may 1,800 na panukalang resolusyon at batas at mahigit 300 na kanyang naipasa ang dagdag benepisyo sa mga senior citizen na sumasapit sa edad 80, 85, at 90.
Kasama rin ang pagbabawal sa “no permit no exam policy ng mga eskwelahan” bagaman aniya at kailangan pa rin namang magbayad ng tuition at pagtataas ng supply allowance ng mga guro sa pampublikong paaralan.
Sa kanyang panukala na gawing edad 56 ang senior citizen ay naniniwala si Revilla na malaki ang magiging pakinabang sa diskwento sa mga pangunahing pangangailangan.
“Kahit ten percent lang,” ayon sa kanya.
Nagpasalamat ang senador sa mainit na pagtanggap nga mga Novo Ecijano sa kanya.