MALOLOS CITY—Dinoble ng SM Supermalls sa Bulacan ang seguridad dahil sa magkasunod na insidente ng pamamaril kung saan dalawang Bulakenyo ang biktima sa Quezon City noong nakaraang linggo at nitong Martes sa Pampanga.
Kaugnay nito, sinabi ng pamunuan ng SM Supermalls na magsasagawa sila ng hiwalay na imbestigasyon sa pamamaril sa Pampanga kung saan ay dalawang tinedyer ang kritikal na nasugatan noong Martes, Setyembre 20, idineklarang brain dead noong Miyerkoles, Setyembre 21, at namatay noong gabing yaon.
Batay sa pahayag na inilabas ni Millie Dizon, ang vice president for marketing ng SM Supermalls, na binasa sa telebisyon, magsasagawa sila ng hiwalay na imbestigasyon sa insidente sa Pampanga.
Inamin din ni Dizon sa nasabing pahayag na hindi nahalata ng mga guwardiya sa SM City Pampanga ang pagpapasok ng baril ng tinedyer sa loob ng mall.
“Security has been heightened. We are very vigilant when it comes to security. We are conducting our own investigation,” ani Dizon.
Ayon kay Beverly Bernardo-Cruz, public relations officer ng SM City Baliuag, dinoble nila ang paghihigpit sa seguridad sa kanilang dalawang mall sa Bulacan na matatagpuan sa mga bayan ng Baliuag at Marilao.
Gayunpaman, nilinaw niya na di dapat maalarma sa nasabing paghihigpit ang kanilang mga kostumer.
“We hope our customers will understand that we are increasing our security efforts for their safety,” aniya.
Inayunan din ito ni Marc Laurente, ang public relations officer ng SM City Baliuag.
Ipinaliwanag ni Laurente na bilang isang pampublikong lugar na dinadayo ng mga tao, natural ang pagdadagdag ng seguridad lalo upang maiwasan ang katulad na insidente.
Sinabi rin ni Laurente na nagtitiwala sila sa pagigiang mahinahon ng mga Bulakenyo at hindi basta magihing marahas ang mga ito.
Batay sa mga tala, dalawang biktima sa iniulat ng pamamaril sa SM North Edsa at SM Pampanga ay kapwa Bulakenyo.
Matatandaan na noong Setyembre 14 ay binaril si Abel Macapugay ng Pulilan ng kanyang asawang si Shiela sa SM City North Edsa.
Maging ang isang guwardiya na nagtangkang pumigil sa pagpapakamatay ni Shiela ay namatay matapos mabaril ng babae.
Sa insidente naman ng pamamaril sa SM City Pampanga noong Martes, ang biktimang 17 anyos na itinago sa pangalang Rommel ay sinasabing nagmula sa bayan ng Baliuag.
Si Rommel ay binaril ng kanyang diumano’y 13-taong gulang na “lover” na itinago sa pangalang Joey na nagmula sa lungsod ng Olongapo sa Zambales.
Matapos barilin ni Joey sa ulo si Rommel sa ground floor ng SM City Pampanga bandang alas-11:50 ng umaga noong Martes ay nagbaril din ito sa ulo gamit ang isang kalibre .22.