Seguridad sa Kapitolyo pina-igting

    462
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY – Higit pang pina-igting ang pagpapatupad ng seguridad sa kapitolyo ng Bulacan sampung araw matapos itong ikandado ng kampo ni Governor Jonjon Mendoza dahil sa inilabas ng Commission on Elections (Comelec) second division sa hatol na si dating Gob. Obet Pagdanganan ang umanoy nanalo noong 2007 local elections.

    Nakakandado pa rin ang mga pintuan sa paligid ng kapitolyo maliban sa isang pintuan sa harapan nito na nagsisilbing entrance at exit ng mga empleyado at mga nagtutungo doon.

    Maging ang mga sasakyan sa paligid ng capitol compound ay hindi na rin basta-basta nakakapasok matapos isara ang ilang kalsada doon at maging ang dating ruta ng pampublikong sasakyan ay binago na rin.

    Ayon sa kapitolyo, ang pagsasara ng mga kalsada ay dahil lamang sa ilan nilang aktibidad ngunit mapapansin na kahit gabi na ay sarado pa rin ang ilang kalsada sa capitol compound.

    Mahigpit din ang pag-inspeksyon sa mga kagamitang pumapasok sa loob ng kapitolyo na tila seguridad ng isang mall.

    Ayon kay Atty. Eugene Resurreccion, tagapagsalita ng kampo ni Mendoza, bahagi pa rin ng security measures ng kapitolyo ang kanilang paghihigpit kaugnay ng resulta ng electoral protest.

    Aniya, nagdagsaan na rin kasi sa kapitolyo ang mga taga-suporta ni Mendoza at nagsisipag-vigil sa harapan ng establisyemento ngunit possible aniyang mahaluan ito ng mga taga-suporta ni Pagdanganan kaya’t silay naghihigpit upang maiwasan ang kaguluhan.
    Ngunit aniya, hindi naman naaapektuhan ang pag-oopisina sa kapitolyo at normal pa rin ang mga transaksyon dito.

    Matatandaang noong Disyembre 1 ay ipinasara na nga nina Mendoza ang mga pintuan sa paligid ng kapitolyo bilang security measures dahil umano sa banta na tinatangap ng kapitolyo.

    May mga ulat umano silang natatanggap na papasukin ng kampo ni Pagdanganan ang kapitolyo kaya’t ipinasara nila ang mga pintuan sa paligid nito upang kontrolin ang pagdating mga mga tao at maiwasan ang kaguluhan.

    Ayon pa kay Mendoza, maging sa kanyang buhay ay may mga pananakot na rin siyang natatanggap.

    Samantalang hindi rin umaalis sa harapan ng kapitolyo ang mga taga-suporta ni Mendoza dala ang mga placards at streamer sa paniniwalang si Mendoza talaga ang nanalong gobernador at hindi umano ito nandaya.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here