Ang pagtuturok ng Sinovac sa mga medical frontliners. Kuha ni Rommel Ramos
LUNGSOD NG MALOLOS — Nagsimula nang iturok ang second dose ng Sinovac sa mga medical frontliners sa Bulacan sa ilalim ng programang “Resbakuna, Kasangga ng Bida” ng Department of Health.
Sa Bulacan Hiyas Convention ang vaccine center para sa mga medical frontliners.
Ayon kay Dr. Hjordis Marushka Celis, response and vaccine cluster head ng Bulacan Provincial Task Force against Covid-19, 28 araw na ang nakakaraan mula nang unang naiturok ang Sinovac sa 900 na medical frontliners sa lalawigan kayat ibinibigay na ngayon ang ikalawang dosage ng bakuna.
Bagamat may mga medical frontliners na nabakunahan na ng unang dose ang tinamaan pa rin ng Covid-19, ay uulitin muli sa una hanggang pangalawa ang pagbabakuna sa mga tinamaan ng sakit.
Ani Celis, may mga previous exposure na kasi sa Covid-19 ang mga nagpositibong medical frontliners at hindi naman ito dahil sa bakuna.
Ipinaliwanag niya na maari pa ring tamaan ng Covid-19 ang mga nakatanggap ng unang dose at hindi nangangahulugan na hindi na dadapuan nito.
Batay naman sa Bulacan Provincial Health Office, tumanggap muli ng 6,400 Sinovac ang lalawigan bilang kapupunan sa kabuuang 14,400 vials na alokasyon mula sa DOH.
Ang lalawigan ay may kakayahan sa storage capacity ng mga vaccines at inaasahang tatanggap muli ngayong linggo ng karagdagang 21,000 vials na ipamamahagi sa itinakdang vaccination sites sa 21 bayan at tatlong lungsod.
Patuloy na rin ang online registration para sa Covid-19 vaccination sa lalawigan.