Home Headlines Scheduled cleaning sa sementeryo nagsimula na

Scheduled cleaning sa sementeryo nagsimula na

1030
0
SHARE

Tulong-tulong ang mag-iina sa paglilinis ng libingan ng kaanak sa IFI Cemetery. Kuha ni Ernie Esconde



SAMAL, Bataan
Sinimulan noong Sabado, ang paglilinis sa mga sementeryo dito na nitong Linggo ay may ilan na ring inabutang nag-aayos ng mga nitso ng kanilang namayapang kaanak.

Sinabi ni Marino Capistrano, gumaganap bilang Apostol San Bartolome kapag Mahal na Araw, na by schedule ang paglilinis sa Iglesia Filipina Independiente (IFI) Cemetery sa Santa Lucia na ang bawat barangay ay may araw na naka-toka.

May isang gumaganap na apostol, aniya, ang naka-destino sa IFI Cemetery upang tumulong sa paglilinis ng mga kalat mula ika-10 hanggang ika-13 ng Oktubre.

Batay sa abiso ng pamahalaang bayan ng Samal, hindi lamang susundin ang schedule sa IFI Cemetery kundi maging sa sementeryo ng Katoliko at ibang public at private na libingan.

Hinati ang 14 na barangay sa apat na grupo at binigyan ng araw kung kailan ang schedule ng mga residente na pwedeng maglinis sa mga nitso ng kaanak.

Ang lahat ng sementeryo sa Bataan ay sarado sa ika-29 ng Oktubre hanggang ika-4 ng Nobyembre alinsunod sa direktiba ng National Inter-Agency Task Force sa hangaring hindi na kumalat ang coronavirus disease.

“Sumunod tayo dahil yan ang protocol ng gobyerno,” sagot ni Capistrano sa tanong kung ano masasabi niya sa pagbabawal sa pagdalaw sa sementeryo sa Undas.

Abalang-abala naman sa paglilinis ng puntod ng mga kaanak si Rafael Inton kasama ang kanyang ina at kapatid.

Ayos lang, aniya, na hindi sila makapunta sa mismong araw ng Undas: “Hindi man kami makapunta sa Undas, may iba pa namang araw na puwede kaming dumalaw.

Kapansin-pansin na may ilang puntod na ang may sindi ng kandila at bulaklak.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here