Save Sierra Madre Day ginunita, DENR sinisi

    492
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Sinisisi ng mga environmentalists ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa kapabayaan na naghatid ng trahedya sa bansa katulad ng pananalasa ng bagyong Ondoy noong 2009.

    Kaugnay nito, ginunita kahapon ang ikalawang taon ng pananalasa ng bagyong Ondoy. Idineklara naman ni Pangulong Benigno Aquino III bilang Save Sierra Madre Day sa bisa ng Proclamation No. 233.

    Ang nasabing proklamasyon ay sinundan pa ng Memorandum Circular No. 2011-127 ni  Interior Secretary Jesse Robredo sa mga opisyal ng mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizacaya, Aurora, Nueva Ecija, Bulacan, Rizal, Quezon at Metro Manila.

    Ang nasabing circular ay naglalayon na makalikha ng mas malawak na kamalayan at partisipasyon ng mga pamahalaang lokal para sa rehabilitasyon, pagtatanim ng punong kahoy, proteksyon at konserbasyon ng kabundukan ng Sierra Madre.

    Ayon kay Bro. Martin Francisco, naniniwala sila na ang mga problemang pangkalikasan ay nagmumula sa DENR.

    Si Francisco ay ang tagapangulo ng Sagip Sierra Madre Environmental Society Inc., (SSMESI) na nakabase sa Bulacan, na isang kapanalig ng Save Sierra Madre Network Alliance Inc., (SSMNAI).

    Sinabi ni Francisco na ang DENR ang dapat manguna sa pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran, ngunit ang mga tauhan nito ang nagiging ugat ng pagkasira nito.

    Inihalimbawa ni Francisco ang reklamong kanilang inihain sa DENR laban sa mga tiwaling opisyal nito, ngunit sa halip na bigyang pansin ay idinepensa pa ng ahensiya ang mga tiwaling opisyal.

    Inayunan din ito ng SSMNAI sa kanilang dalawang pahinang pahayag na inilabas noong Linggo.

    “Sa halip na aksyunan ang aming mga nireklamo, pinoprotektahan pa nito  ang mga opisyales ng DENR na hindi ginagampanan ang kanilang tungkulin sa Casiguran, San Luis at Dingalan ng lalawigan ng Aurora; DRT, Bulacan boundary ng Nueva Ecija,” ani ng SSMNAI.

    Binanggit din ng grupo ang kanilang reklamo sa di pagpapatupad ng mga tauhan ng DENR sa logging ban at sa mining regulations.

    Ayon sa SSMNAI, ang logging moratorium ay totoo lang sa papel dahil patuloy ang operasyon ng logging Dinapigue, Isabela; Barangay Dikapinisan at San Luis, Aurora; Umiray, Quezon; at maging sa Ipo at Angat Watershed sa Bulacan.

    Hinggil naman sa greening program ng DENR, inilarawan ito ng SSMNAI bilang “recycled reforestation scam.”

    Ibinulgar din ng SSMNAI ang unregulated black sand mining sa mga bayan ng Buguey at Gonzaga Isabela, maging ang iron ore mining sa Bulacan.

    Ayon sa SSMNAI, ang mga nasabing aktibidad ay nagiging sanhi ng mga flash floods, soil erosion, polusyon sa mga kailugan at pagkamatay ng biodiversity o samut-saring buhay sa kagubatan.

    “Kailan pa tayo matututo, kailan pa tayo gigising, kapag may isa pang Ondoy,” ani Francisco at sinabing ang bagyong Ondoy ay dapat gumising sa mga tao.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here