Sariling-sikap ng Pinas panlaban sa epekto ng climate change

    398
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Dapat matutong magsariling sikap ang Pilipinas partikular na ang mga pamahalaang lokal sa paglaban sa epekto ng climate change.

    Ito ang payo ng ibat-ibang grupo matapos ang ika-17 Conference of Parties (COP17) o Climate Change Conference na isinagawa sa Durban, South Africa.

    “The Philippine government must act as if the country is on its own,” ani Red Constantino, ang executive director ng Institute for Climate Sustainable Cities (iCSC) sa isang email na ipinadala sa mamamhayag na ito noong Lunes ng hapon, Disyembre 5.

    Si Constantino ay isa sa mga Pilipinong lumahok sa isinagawang COP17 na nagsmula noong Nobyembre 28 at natapos nitong Linggo, Disyembre 11.

    Sa nasabing kumperensiya na tinampukan ng tensiyon sa pagitan ng mayayaman ay mahihirap na bansa sa mundo, umayon ang mas mayayamang bansa sa pangunguna ng European Union na pondohan ang Green Climate Fund (GCF), at palawigin ang Kyoto Protocol na matatapos sa susunod na taon. Nangangailangan ito ng $100-bilyon na gagamitin mula 2012 hanggang 2020.

    Batay sa mga ulat matapos ang kumperensiya, napagkasunduan na ipagpatuloy ang Kyoto Protocol na naglalayong bawasan ang ibinubugang greenhouse gases (GHG) ng mayayamang bansa sa himpapawid na naghahantid ng pag-init ng mundo o global warming na nagbubunga ng pagbabago ng klima o climate change na sanhi ng mapanalantang bagyo at baha.

    Ayon kay Constantino, bago tuluyang napagtibay ang kasunduan sa GCF at Kyoto Protocol ay nagparamdan ng di pagsang-ayon sa mga ito ang mayayamang bansa tulad ng Amerika at Canada.

    Sa kanyang email, sinabi ni Constantino na “in Durban, most developed countries continue to avoid taking responsibility in meeting their obligation to compensate those who are increasingly suffering from climate change.”

    Sa kabila nito, namayani pa rin ang mas maliliit na bansa; at iginiit ni Constantino na hindi dapat tumigil ang Pilipinas sa paniningil sa mayayamang bansa na nagdulot ng global warming dahil ang kinabukasan ng bansa ang nakataya.

     “This is about justice and the very viability of the Philippines as an independent, healthy and flourishing nation.

    The future of development is at stake,” ani Constantino.

    Subalit sinabi na “we cannot and should not rely on the largesse of rich countries, which continue to take the path of destructive self-interest,” at binigyang diin na kailangan ding kumilos at magsariling sikap ang bansa sa paglaban sa epekto ng climate change sa pamamagitan ng pagpapatibay sa People Survival Fund (PSF) or “Depensa Bill.”

    “This is a huge reason why the Aquino administration must ensure the early passage of the People’s Survival Fund, which was already passed by the House but not moving in the Senate. The PSF seeks to provide local governments and communities with direct access to adaptation finance.

    It incentives early action from localities by creating an annual funding source dedicated to adaptation and measures that build resilience to climate change from below,” ani Constantino.

    Inayunan din ito ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) na nagsagawa ng climate justice awareness caravan mula sa  lalawigan ng Isabela noong Lunes, Disyembre 5 hanggang Bulacan noong Biyernes, Disyembre 9 at Maynila noong nakaraang Sabado.

    Ayon kay Khevin Yu, tagapagsalita ng PMCJ, masimulan man ang pagbibigay ng GCF sa susunod na taon, matatagalan pa ito bago matanggap ng bansa at ng mga pamahalaang lokal na nagsagawa ng plano laban sa epekto ng climate change.

    “Habang hinihintay natin yung GCF, kumilos na tayo, bumuo ng mga planong isasagawa,” aniya.

    Sa kabila naman ng kawalan ng pondo, sinabi ni Yu na maaring gamitin ng mga pamahalaang lokal ang kanilang calamity fund para sa paghahatid ng kaalaman sa mga mamamayan kung paano tutugunan ang mga kalamidad.

    Sinabi niya na maging ang PSF o Depensa Bill ay matatagalan at anumang oras ay maaring magkaroon ng kalamidad.

    Hindi tayo dapat maghintay na magkaroon ng muli ng kalamidad, kailangang ngayon pa lang ay kumilos na tayo,” ani Yu.

    Binigyang diin din niya na dapat manguna ang mga pamahalaang lokal sa paghahanda sapagkat ang mga ito ang may hawak ng pondo at gumagawa at lumilikha ng mga polisiya.

    Subalit ang isang problema sa kalagayang ito ay iilang namumuno sa mga pamahalaang lokal, partikular na sa lalawigan ng Bulacan ang nakakaunawa sa paghahanda laban sa kalamidad, lalong higit ang pagbuo ng emergency action plan.

    Sa kalagayang ito, sinabi ni Nong Ranggasa, executive director ng Climate Change Academy (CCA) sa lalawigan ng Albay na nakahanda sila na magbigay ng kasanayan sa mga namumuno sa mga pamahalaang lokal.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here