Si city treasurer Lito Evangelista at kanyang staff sa magdamagang pamimigay ng ayuda mula SAP. Kuha ni Ernie Esconde
LUNGSOD NG BALANGA — Pa-morningan, ika nga, para matapos ang pamamahagi sa Bataan ng subisidy mula sa Social Amelioration Program sa huling araw na itinakda nitong Linggo.
Batay sa utos ng departments of the Interior and Local Government at Social Welfare and Development, huling deadline na ang ika-10 ng Mayo at wala na itong extension pa kaya nagmamadali ang mga tauhan ng mga treasurer’s at social welfare offices sa lalawigan.
Sa Balanga City hall at ilang municipal halls tulad sa bayan ng Samal, pasado alas-5 na ng hapon ay marami pa ring nakapila at naghihintay upang makuha ang financial assistance na P6,500.
Ayon kay city treasurer Lito Evangelista ng Balanga ang total beneficiaries nila sa 25 barangay ay 13,133 at ang natitira na lamang na hindi nababayaran ay humigit-kumulang sa 200 tao.
Malaki naman, aniya, ang tiwala nila na makukumpleto nila ng 100 percent ang SAP payout kaya nga lamang ay aabutin sila ng madaling-araw na ng Lunes.
“Ala-una o alas-dos siguro tapos na kami. Wala namang problema, smooth-sailing naman,” sabi ni Evangelista.
Ganito rin ang sinabi sa Samal treasurer’s office na pipilitin nilang makatapos kahit abutin pa sila ng madaling-araw.
Samantala, sinabi ng isang tauhan ng DSWD mula sa Region 3, na apat na bayan mula sa 11 bayan at isang lungsod sa Bataan ang kumpleto na sa SAP payout samantalang ang mga nalalabi ay 90 percent completion na.