Samal, Bataan: Ang inaasahang masayang pagoda o parada ng mga bangka sa dagat sakay ang mga sagala at Reyna Elena sa Santakrusan sa Barangay East Daan Bago sa Samal, Bataan Linggo ng umaga ay pinigil ng masamang panahon.
Habang naglalakad na ang mga sagala at Reyna Elena ng Santakrusan mula sa Simbahan, biglang umulan at napilitang sumilong sa covered court gamit ang mga payong.
Isang bangka na sakay ang krus at ilang pulis ang pinaikot na lamang sa dagat bilang pagsunod sa tradisyon ng mga magdaragat sa barangay.
Sinabi ni East Daan Bago Barangay chairman Ronwaldo Medina na ipinagbawal ang pagsasagawa ng pagoda dahil sa masamang panahon.
“Hindi na namin pinatuloy ang pagsama sa bangka ng mga sagala at Reyna Elena at hindi na pinaikot gawa nga ng panahon. Nandito ang mga coast guard dahil may bumabang notice na bawal umikot ang mga bangka sa dagat. Nakiusap kami para nga sa tradisyon ng mga mandaragat, kaya lang talagang hindi kami pinayagan,” sabi ni Medina.
Hindi naman naging hadlang sa isang Santakrusan ang masamang panahon na dulot ni Aghon. Tuloy at matagumpay na naidaos ang tradisyon tulad sa sityo Kabyawan sa Barangay Sta. Lucia sa Samal, Bataan Linggo ng tanghali.
Halos hindi pa natutuyo ang bakas ng ulan sa mga kalsada ay lumakad na ang Santakrusan at sinamantala ang malulam na araw.
Kaakit-akit ang mga sagala sa kanilang agaw-pansin na mga gown. Panay ang matamis na ngiti ng magandang Reyna Elena sa ialim ng malaki at bulaklaking arko.
Nasa isang karo ang maliit na krus na sentro ng pagsasaya. Siyempre, hindi mawawala ang umaatikabong yugyugan.