Sarado ang pintuan ng magandang St Joseph Cathedral habang nagaganap ang Misa sa loob nito.
LUNGSOD NG BATAAN — Isang Banal na Misa ang ginanap hapon ng Linggo na tinaguriang Araw ng mga Ina ngunit tulad ng mga Misa mula nang mapasailalim sa enhanced community quarantine ang Bataan at iba pang mga lugar, sarado ang mga pintuan ng mga simbahan tulad ng St. Joseph Cathedral sa Balanga City.
Maririnig ang kilalang tinig ni Bishop Ruperto Santos sa kanyang homily na ang naging paksa ay tungkol sa pagmamahal sa isang ina, lalo na sa pinakadakilang ina – ang Mahal na Birhen.
“Tayo ay nararapat na bilang isang anak ay kumikilala sa ina na dapat nating sundin at dapat isaalang-alang. Kung pinag-uusapan natin ay new normal, samakatuwid may bagong ako, may bagong ikaw. Ano yon? Balikan natin ang ating ina na nagtuturo ng tama, ng totoo,” ani Santos
Sa labas ng simbahan, walang maingay na mga sasakyan, walang nagkukuwentuhang mga tao. Ang plaza, ang commercial district, ang mga kalsada na dating punuan ng tao at sari-saring sasakyan lalo na ng tricycle ay maluwag na maluwag.
“Sa ina, lahat ay maganda, lahat ay magaling at mahusay. Walang pangit na anak sa isang ina, walang bobo. Lahat ay maganda, lahat ay makisig,” patuloy ng obispo.
Nangingibabaw ang tinig ng pari sa tahimik na hapon na kung babalikan ang mga nakaraang araw lalo na’t iisipin na araw ng Linggo at Mothers’ Day pa ay nakakapanibago talaga ang tanawin sa plaza at sa paligid.