LUNGSOD NG ANGELES –Isang bagong silang na sanggol na babae ang puro kagat na ng mga insekto at sunog na ang balat nang matagpuan sa isang madamong lugar sa Barangay Pampang.
Nakatanggap ng tawag ang city disaster risk reduction and management office (CDRRMO) mula sa isang residente na may natagpuang sanggol sa madamong lugar kayat agad itong rumesponde.
Nakakabit pa sa sanggol ang kanyang placenta at umbilical cord nang i-rescue ng CDRRMO nitong Miyerkules ng madaling araw. Agad na dinala sa Rafael Lazatin Memorial Medical Center ang sanggol para lapatan ng karampatang lunas at pansamantala munang pinangalanang si “Baby Girl X.”
Ayon kay Angei Pare, head midwife ng nasabing ospital, tinatayang Martes pa ng hapon nang inabanduna sa damuhan ang sanggol dahil 70% na ng katawan nito ang may skin burn at dehydrated na rin.
Ang sanggol ay nasa maayos nang kalagayan ngayon at kasalukuyan pa ring inoobserbahan dahil sa mga kagat ng insekto, paso sa katawan at kaliwang mata.
Nananawagan din ang pamunuan ng ospital sa publiko para sa mga posibleng mag-donate ng breast milk, diapers, at baby clothes para kay Baby Girl X.
Samantala, nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga otoridad at backtracking sa mga CCTV sa paligid ng lugar para matukoy ang magulang na nag-abanduna sa sanggol sa damuhan.