Mayroon na namang matinding pasabog
sa LIVE VIDEO na aking napanood
ang mga J. O. raw tulad ng ECO BOYS
at TRAFFIC ENFORCERS ay naghihimutok
sapagkat dalawang buwan na raw halos
na ay mga ito’y hindi sumasahod
At ayon sa kwento ng nagsasalaysay
may ordinansa ng aprubado na raw
subalit ito ay ayaw pang pirmahan
ng ilang konsehal ng nasabing bayan
at ang sinasabi na kadahilanan
mali ang pamagat at ilan pang bagay
Tulad ng halagang dito nakasaad
at kung ano ba ang dapat ipamagat
kung ganon ay bakit di ayusin agad
upang ordinansa ay maipatupad
kung ito ang tugon at ang tanging lunas
sa mga problema na kinakaharap
Ang ordinansa raw ay hinggil sa pondo
upang mapasahod mga pobreng J. O.
apat na milyon ang nakalaan dito
para sa bayarin daw ng munisipyo
tulad ng kuryente na nakokonsumo
pasahod pati na serbisyo publiko
Ngunit ang nais daw yata ni VICE MAYOR
bago papirmahin ang kanyang COUNCILOR
ay mabigyan muna siya ng ISANG MILYON
pati sangguniang bayan ng SAN SIMON
hindi makatwiran ang kanyang kundisyon
kahit sabihin pang sila’y oposisyon
Ang mga ENFORCERS at mga ECO BOYS
ay nadadamay lang sa inyong sigalot
kapag ang mga yan hindi na kumilos
aalingasaw ang basurang nabulok
daloy ng trapiko pag hindi naayos
buong sambayanan ang maghihimutok
Paglingkuran ninyo ang bayan ng tapat
at gawin kung ano yaong nararapat
habang kayo’y hindi buo’t watak-watak
ang kaunlaran ay di magiging ganap
ang mga layunin na magkasalungat
nagiging balakid tungo sa pag-unlad