(Photo grabbed from web)
PEÑARANDA, Nueva Ecija – Nagkasundo ang may may-ari ng 43 piggery at poultry farm sa bayang ito na gumawa ng inisyatibo kontra sa pesteng langaw.
Sa pagpupulong nitong Martes ay pinagtibay ng samahan na pinamumunuan ni retired Army Gen. Romeo Tolentino na kumuha ng eksperto upang tulungan ang mga miyembro na puksain ang langaw sa kanilang mga negosyo.
Sa gitna ito ng babala ni Mayor Joey Ramos na hindi ire-renew ng munisipyo ang business permit ng sinumang hindi makasusunod sa sanitary requirement hanggang katapusan ng Disyembre 2019.
Batay kasi sa pagsusuri ng munisipyo, may ilang poultry farm ang sobrang dami anglangaw at nakakaperwisyo sa mga residente.
Atas ng umiiral na protocol na hindi dapat lalampas sa 150 langaw ang pwedeng dumapo sa fly trap sa loob ng 10 minuto. Ngunit umabot ito sa 180 sa isang poultry farm.
Sabi ni Tolentino, marapat lamang na isaalang-alang din ng mga negosyante ang kapakanan ng mga residente.
Lumalabas rin na may mga poultry farm na walang mortality pit o lagayan ng mga namamatay na manok sa nasabing bayan.
Mahalaga raw ito dahil ang mga manok na ibinabaon lamang sa hukay ay posibleng makaapekto sa tubig o ground water.
Mayroon ding hindi naka renew ng sanitation permit.
Kumbinsido naman si municipal administrator Benjamin Abes, Jr. na susundin ng bawat poultry owner ang kasunduan.
“Ang maganda nito sila na mismo ang magpu-police sa kanilang rank at magrerekomenda kung alin ang dapat ipasara,” sabi ni Abes.