Home Opinion Salubong

Salubong

318
0
SHARE

NOONG DUMALAW sa atin si Pope Francis, ang habilin niya sa mensahe niya sa 6-M kataong dumalo sa Misa sa Luneta ay, “Lumabas, magtungo sa mga nasa laylayan ng lipunan at ng simbahan.”

Ito rin ang mensaheng hatid ng ebanghelyo ng Linggo ng Laetare: ang talinghaga tungkol sa Amang hindi lang naghihintay. Lumalabas. Sa unang bahagi, para salubungin ang bunso. At sa ikalawa, para salubungin ang panganay.

Simulan natin sa una. Minsan sa isang rekoleksyon tinanong ko ang mga dumalo: “Kailan, ayon sa kuwento, nagsisi ang bunso?” Ang sagot ng karamihan ay: “Noong nagdesisyon siyang umuwi at humingi ng tawad sa tatay niya.” Sabi ko, “Palagay ko hindi pa siya nagsisi noon.” Kaya lang siya nagdesisyong umuwi dahil gutom na siya at ubos na ang perang minana at winaldas niya. Di ba nasabi pa niya, mabuti pa ang mga alipin sa bahay ng tatay ko masarap ang kinakain, heto ako namamatay ng gutom.

Humirit ang sumagot, at sabi niya, “Pero di pa po ba iyon ang sandali ng pagkamulat niya sa pagkakamali niya?” Sabi ko, hindi. Takot talaga siyang umuwi dahil may atraso, at baka ipagtabuyan siya at mapagsabihang, “Ang kapal naman ng mukha mo at may gana ka pang bumalik gayong kinuha mo na ang mana mo?” Kaya nga naisip niyang mag-inarte para maawa ang tatay niya. Minemorize pa ang tatlong dialogue lines niya…

So kelan siya nagsisi? Noong nakalimutan niya ang pangatlong linya. Bakit? Dahil lumabas ang tatay niya at hindi galit ang isinalubong sa kanya. Noong niyakap siya at ni hindi pinansin ang drama niya. Noong niya naramdaman, anak pa rin ang turing sa kanya, kahit nagkasala siya. Noong yakap na siya ng tatay niya, noong napatahimik siya at di na masabi ang pangatlong linya.

Hindi pananakot ang nakapagbabago kundi pag-ibig na walang kundisyon. Ang kasalanan lang ang kinamumuhian ng Diyos, hindi ang nagkasala.

Pangalawang paglabas: nang magtampo si Kuya dahil nasulsulan ng katulong at nagself-pity—na bumalik ang “Paboritong Anak.” Bakit ayaw niyang umuwi? Kasi nabalitaan niyang tinanggap muli ng tatay niya ang pasaway na anak niya. Palibhasa’y paborito niya. Ang hirap talaga minsan ng lagay ng magulang. Napansin nyo ba na walang nanay sa kwento? Siguro maaga siyang namatay. Tuloy hindi alam ng Ama kung paano pakisamahan ang dalawang anak na magkaiba ng personalidad. Sa kanta ni Freddie Aguilar, hindi Ama kundi ina ang inuwian. “At ang una mong nilapitan…”

Pero sa tingin ko naroon pa rin ang ina sa diwa ng Ama. Kung damdamin lang ang susundin niya, baka nagmatigas siya. Baka ang nasabi niya ay, “Ayaw mong umuwi, edi huwag. Wala ba akong karapatang gawin ang gusto ko sa pag-aari ko? Ako pa ang pagmamalakihan mo?!” Pero palagay ko nanaig ang alaala ng nanay sa isip ng tatay: “Sige na, lumabas ka. Walang mawawala kung ikaw ang magpakumbaba. Amuhin mo siya. Nagtatampo lang iyan…” binigyan niya ito ng pagkakataong makapaglabas ng sama ng loob, na nilunok naman ng ama.

Walang ending ang kuwento. Iniwan ng awtor sa atin. Kung ikaw si Panganay, uuwi ka ba? Depende: kung kaya mo pang tanggapin ang kapatid mong nagkasala. Mas madali ang pagsasalubong pag may pag-amin, pagsisi, kahandaang magkumpuni at magpatawad.

Lumalabas ang Ama upang pagsalubungin silang dalawang anak niya, upang manumbalik ang kaugnayan nila sa isa’t isa bilang magkapatid.

(Linggo ng Laetare, pang-4 na Linggo ng Kuwaresma, 30 Marso 2025, Lk 15:1-3, 11-32)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here