(Ang mga opisyal at residente ng Cabanatuan City ay masayang nagsalu-salo sa kanilang paboritong longganisa. Kuha ni Armand M. Galang)
CABANATUAN CITY – Pangregalo. Pasalubong. Paboritong hain sa hapag kainan.
Ito ang longganisa ng Cabanatuan, lalo na ang pinakagigiliwan na longganisang bawang, na muling bumida sa selebrasyon ng ika-69 Araw ng Cabanatuan o Banatu Fest.
Nitong Linggo nagsalu-salo ang mga Cabanatueño sa may 500 longganisa sa isang boodle fight na ginanap mismo sa lansangan ng Pamilihang Bayan sa pangunguna ng hermana na si Myca Vergara.
Sa Sangitan Public Market pa lamang ay mayroon nang 170 producers at stall owners ng longganisa, ayon kay Dante Viernes, market inspector ng lungsod.
Sabi ni Viernes, sinusubaybayan ng pamahalaang lungsod ang industriya mula sa produksyon hanggang sa pagbebenta upang maisugo ang kaayusan ng produkto.
Mahigpit aniyang ipinagbabawal ang mga lalaking nakahubad o sinumang nakalugay ang mahabang buhok habang gumagawa nito.
Talaga naman daw kakaiba ang lasa ng kanilang produkto, ayon kay Shyla Sarmiento, dahil bukod sa malinis ay kumpleto pa ang kanilang sangkap.
Sariwa at sadyang nababagay sa produkto rin aniya ang kanilang ginagamit na karne.
Bukod naman sa masarap na longganisa na pinagsaluhan, makahulugan ang pagkain ng sama-sama bilang magkakapamilya ng mga Cabanatueño, ayon sa hermana ng selebrasyon.
Sa hapag kainan, sabi ni Vergara, ay nakakapag-usap ang bawat moyembro ng pamilya sa gitna ng kanilang pagiging abala. Nakisalo rin sa boodle fight si councilor PB Garcia.