MEYCAUAYAN CITY —Umabot sa 33 katao ang nasugatan matapos salpukin ng sports utility vehicle (SUV) ang isang bus sa kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEx) noong Lunes ng gabi.
Ayon sa pulisya, 19 sa mga biktima ang isinugod sa Montefalco Hospital sa lungsod na ito, pito sa Bulacan Medical Mission Group Hospital sa Bocaue at tatlo naman sa Bulacan Medical Center sa Malolos City.
Ayon kay SPO4 Norly Majan,imbestigador ng Meycauayan PNP, nag-ugat ang aksidente nang salpukin ng isang Nissan Pathfinder ang likurang bahagi ng isang Santrans Bus na bumibiyahe sa Maynila at Sapang Palay sa San Jose Del Monte City, Bulacan.
Ang insidente ay naganap bandang alas-11 ng gabi noong Lunes sa kahabaan ng NLEx di kalayuan sa Meycauayan toll plaza.
Ayon pa kay Majan, bago maganap ang aksidente, nasa ikalawang linya ang San Trans Bus na minamaneho ni Bernardo Arigildo ng Norzagaray.
Tinangka ng driver na lumipat sa third o fast lane nang salpukin ang likod ng bus ng NissanPathfinder na minamaneho ni Reynaldo Lovino Jr.,ng bayan ng Marilao.
Ayon kay Majan, mapalad ang mga pasahero dahil walang namatay.
Kaugnay nito, biglang nawala sa Montefalco Hospital si Arigildo matapos malapatan ng lunas, samantalang si Lovino ay tumangging magbigay ng pahayag.