SAN MIGUEL, Bulacan — Patay ang tatlong mag-iina na pasahero ng tricycle
habang apat pa sa kasama nila ang sugatan sa salpukan ng kanilang sasakyan at
isang XLT jeepney sa kahabaan ng Camias-Sibul Road sa bahagi ng Barangay
Buliran sa bayang ito bandang 1:30 ng hapon Miyerkules.
Ayon sa ulat ng San Miguel police, ang mga nasawi ay kinilalang sina Monica
Ramos, 29-anyos, at anak nitong si Miguel Maniquiz, 7-anyos, at AJ Maniquiz 5-
anyos.
Habang sugatan at nasa pagamutan naman sina Haidee Francisco, 13-anyos na
driver ng tricycle, Vanessa Francisco 22-anyos, Jacob Elias Dela Cruz, 1-taong
gulang, at Lara Ramos, 10-anyos, pawang mga residente ng Barangay Malibay ng
nabanggit na bayan.
Ang driver naman ng XLT ay kinilalang si Angelini Paras, 61-anyos, residente ng
Barangay Mambangnan, San Leonardo, Nueva Ecija.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, binabagtas ng XLT jeep at tricycle ang nasabing
lugar nang ma-sideswipe ang tricycle ng isang sasakyan na um-overtake sa kanan
nito.
Napunta naman ang tricycle sa opposite lane at doon nakasalpukan ang XLT jeep.
Ang mga biktima ay isinugod pa sa pagamutan ngunit namatay din ang mag-iina.
Sa pahayag naman ng driver ng XLT sa kapulisan, isang puting pick up ang um-
overtake sa tricycle hanggang malipat ito sa kanyang linya.
Ayon sa kaanak ng mga biktima, magpapaturok sana ng bakuna ang mga ito
kontra Covid-19 at papunta sa vaccination site nang maganap ang aksidente.
Nasa kustodiya ng San Miguel police si Paras na sasampahan ng kasong Reckless
Imprudence Resulting to Multiple Homicide, Serious Physical Injuries and Damage
to Property.
Ayon naman kay San Miguel Mayor Roderick Tiongson, tutulong ang LGU sa
pagpapaospital ng mga sugatan at pagpapapalibing ng mga namatay na biktima.