ARAL NG kasaysayan, at ng karanasan, na ang matapat at makabuluhang ugnayan ng mga mamamayan at namumuno ang sandigan ng demokratikong lipunan.
Ang mapayapa, matatag at maunlad na pamayanan ay nakasalalay sa tibay ng ugnayang yaon. Kaya’t lubos na napakahalaga ng ganap na katapatan sa isa’t isa ng mga mamamayan at mga pinunong halal.
Higit sa mga namumuno kaysa mga mamamayan ang tawag ng katapatan, dahil na rin sa tindi at bigat ng tungkuling iniatang sa kanilang mga balikat, at saklaw ng kaakibat nitong kapangyarihan, tungo sa mithiing isang maaliwalas na pamumuhay para sa lahat.
Lubos ang aking paniniwala na sagutin hindi lamang sa bayan, kundi higit sa Poong Maykapal ng isang namumuno ang anumang kahihinatnan ng pamayanang kanyang pinamumunuan.
Atas ng pananampalatayang Kristiyano, o Islam man, at itinatadhana ng demokratikong tradisyon na ang masang mamamayan ay hindi sinasakupan kundi pinaglilingkuran ng mga namumuno.
MAGSILBI TAMU, kung gayon, ay hindi isang hungkag na slogan kundi ang mismong matatag na saligan ng pananaw na makatao, paninindigang makabayan at pamamaraang maka-Diyos.
MAGSILBI TAMU – ang gumagabay sa lahat ng aking panuntunan at pagkilos bilang lingkod-bayan, sa aking panunungkulan bilang punong-lungsod.
Ang natatangi at takdang layon ng pamahalaang lungsod ay ang tapat at malinis na pamamahala. Tungo dito, bukas sa madla ang lahat ng tanggapan sa city hall at hayag ang lahat ng kasunduan o transaksyon sa pamahalaang lokal sa mga mamamayan.
Cuentas claras o transparency ang patakarang ipinaiiral sa lahat ng gastusin dito. Ang kaban ng bayan ay dapat pakahalagaan – pinagbuwisan ito ng pawis at dugo ng mamamayan, at paka-ingat-ingatan – lalo ngayong tag-hirap ang bansa.
Hindi lamang likas na karapatan kundi takdang tungkulin din ng mga mamamayan ang makibahagi at maki-alam sa lahat ng gawaing pambayan, ang magpahayag ng kanilang kaisipan at damdamin ukol sa mga usaping panglungsod, ang magbunyag ng anumang katiwalian tungo sa malinis na pamamahala’t paglilingkod, at ang pakikinig at pagtugon – ng mga nanunungkulan – sa kanilang mga karaingan tungo sa ikabubuti ng kanilang pamumuhay.
Tugon dito ang pagtakda ng mga pulung-pulong sa mga barangay kasama ang punong-lungsod, ang buong Sanggunian, sampu ng mga tanggapan ng lokal na pamahalaan.
Kabalikat ng pamahalaang lungsod sa mga gawaing bayan ang pribadong sektor, partikular na ang mga mangangalakal, samahang sibiko at NGO.
Bunsod nito, sila ay may papel din na ginagampanan sa mga pagpupunyagi ng lungsod sa larangan ng pangngalakal, pamumuhunan at turismo; sa pagpapatupad at pagpapalaganap ng kaayusan, kalinisan, kalusugan at karunungan.
Sa pagtahak natin sa landas ng kaunlaran, ating inaagapayan ang kapakanan ng kapaligiran. Ang Sagip-Ilog, ang paghihigpit sa mga planta at pagawaan na bumubuga ng usok at nagdudumi sa mga kailugan, ang pagpapatupad sa solid waste management ay ilan lamang sa patunay dito.
Ang pinakamahalagang pamantayan ng kaunlaran ng lungsod ay hindi lamang ang kasaganaan kundi ang pangkalahatang kalusugan ng mga mamamayan.
Atas nito ang higit pang pagpapalakas sa outreach programs at pagpapalawak sa mga health services ng lungsod.
Itinatadhanang tungkulin din ng pamahalaan ang buong-pusong pagkalinga sa mga nakatatanda. Ating pinahahalagaan, itinatangi’t pinaglilingkuran ang ating senior citizens. Ang yaman ng kanilang karanasan, ang karunungang kanilang naimpok ay mahalaga para sa kagalingan ng bayan.
Ang hanay ng mga kababaihan ay may sariling lakas at kakayahan upang maging ganap na kabalikat sa paglilingkod-bayan.
Tugon dito ang pagpapalakas sa programang gender advancement and development at ang matibay na pakikipag-ugnayan ng pamahalaang lungsod sa mga samahang kababaihan sa mga gawaing pangkaunlaran.
Magkakaroon lamang ng kaganapan ang pangakong binitiwan ni Gat Jose Rizal – ang kabataan ang pag-asa ng bayan – sa pagbibigay sa kanila ng kaukulang pagkakataon na mapanday ang kanilang kakayahan, mahubog sila sa kagandahang-asal, at maging kabahagi ng usapin at gawaing pambayan.
Hindi kailangang maging balakid ang kahirapan upang ang kabataan ay makapag-aral at makakuha ng pagsasanay na bokasyonal o teknikal.
Ang pinakamahalagang pamana ng lungsod sa susunod na salinlahi ay ang kalinangang Fernandino.
Muli, kabalikat ng pamahalaang lungsod ang pribadong sektor, ang mga pamantasan at dalubhasaan sa ating pangangalaga at pagpapalaganap sa kasaysayan, sining at kultura ng ating lipi.
Ang mga ito ang sandigan ng aking pananalig at saligan ng aking paninindigan.
MULA SA aklat na About Oca: A Story of Struggle na ating sinulat noong 2005, pangalawang taon ng panunungkulan ni G. Oscar Samson Rodriguez bilang punong-lungsod ng San Fernando.
Ang pahayag ng paninindigan at pananalig ni Mayor Rodriguez ang siya na ring magsisilbing akmang pamantayan ng kanyang paninilbihan sa mga mamamayan.
Ang pagsipi natin dito ay isa na ring pagmumuni-muni sa araw ng kanyang kaarawan ngayon, Setyembre 19.