“Safest way to travel abroad is CIA”

    322
    0
    SHARE
    Ang posibilidad na ‘extortion scheme’
    Itong sa NAIA ngayon nangyayaring
    Serye nitong halos araw-araw nating
    Nababalitaan na patuloy pa ring
    May nahuhulihan ng bala ng baril,
    Ya’y di nalalayo sa suspetsa natin;

    Na maaring tunay ngang may umiiral
    Diyan sa NAIA sa kasalukuyan
    Na isang klase ng ‘syndicate or scam’
    Kaya’t patuloy pang may pasahero riyang
    Nadarakip at yan at yan kinakasuhan
    Ng ‘illegal possession’ ng bagay na bawal;

    Sa nakararami ay di na rin lingid
    Itong kung ilan na ang mga nadakip
    Na mga biktima o ‘airline passengers,’
    Nang dahil sa bintang at tangkang pagpuslit
    Ng ‘live ammunition’, ikaw ba ay pilit
    Na magdadala pa, tulad ng nabanggit?

    Sa puntong yan mga kawawang biktima
    Ng nasabing ‘scam’diyan sa NAIA
    Ang posibleng dahil sa ganyang sistema
    Ay nasisira ang moralidad nila,
    Pagkat nang dahil nga sa “laglag-bala”
    Pati inosente damay palagi na.

    Di ko tinitiyak na mga empleado
    Sa pambansang Aiport na Ninoy Aquino
    Ang may gawa riyan ng sistemang ganito,
    Pero ano’t sa Clark wala kami nito?
    At ni minsan yata wala pang natiklo
    O nakitaan man lang ng basyo rito.

    Di tulad sa NAIA na ang ‘laglag-bala’
    Ay karaniwan na lamang ding eksena
    Sa araw-araw na operasyon nila,
    Nang dahil marahil higit malamang na
    Ilang ‘porters’ mismo ang may kakutsaba
    Yatang Screeners d’yan na taga-rikisa?

    Kung saan sa ganang ating pang-sariling
    Matamang pagsuri r’yan ng insidenteng
    Ang nahulihan ay babae pa mandin,
    At itong biktima ay may edad na rin,
    Sa akala kaya nati’y papatusin
    Ng nakatatanda ang ganyang gawain?

    Lalo pa’t base sa naging pahayag niya
    Ay napilitan lang na bumiyahe siya
    Para dumalo sa napakahalaga’ng
    Okasyon kung saan ang apo, kakanta
    At lubhang ispesyal ang kanyang presensya
    Kaya di maaring siya’y di pumunta;

    Ngunit nang dahil lang sa siya’y nakitaan
    Ng umano’y bala sa dala-dalaan,
    Imbes makalipad sa patutunguan,
    Katakut-takut na imbestigasyon diyan
    Ang dinanas nitong biktimang naturan
    At di nakaalis – sapagkat naharang!

    Ano kaya hangga’t ganyan ang situasyon
    Sa NAIA, at ang iba’y takot ngayong
    Bumiyahe at diyan sumakay pa-Hongkong,
    Narita, Canada, Australia, Singapore,
    Sa State, sa Dubai, sa Paris at London,
    Sa CIAC ng Angeles, dapat pumaroon.

    At dito sumakay saan man papunta,
    Sapagkat sa Clark ay walang ‘laglag-bala’
    Na kagaya ngayon nitong sa NAIA,
    Kung saan posibleng ma-Muntinlupa ka;
    Pero sa CIAC o Clark ay ginagarantya
    Ng pamunuan ang sa lahat ligtas ka!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here