Home Headlines Sabungan sa Aliaga tinututulan

Sabungan sa Aliaga tinututulan

2272
0
SHARE

(Photo grabbed from web)

ALIAGA, Nueva Ecija – Patuloy na tinututulan ng mga pamunuan ng Aliaga National High School at Sangguniang Barangay ng Poblacion East 1 ang sabungan na nagbalik operasyon nitong Biyernes.

Nangangamba kasi ang mga opisyales ng barangay at paaralan na muling makaperwisyo katulad ng di-umano’y naging epekto nito sa mga residente at libu-libong mag-aaral noong mga nagdaang taon. Ayon kay Norberto Calma, principal ng Aliaga National High School, dinatnan na niyang sarado ang sabungan matapos mai-reklamo ng eskuwelahan noong 2017.

Bukod sa ingay na sinasabing dulot ng sabungan lalo’t sa mga araw ng Lunes at Biyernes na kapwa may pasok sa eskuwela nagaganap ang sabong doon, ay nangamba sila na mahikayat ang mga bata partikular ang mga Grade 11 at Grade 12 na pumasok doon.

“Kami ay continiously advocating na sarado na yung cokcpit arena,” pahayag ni Calma sa panayam ng media.

Binigyang-diin naman ni chairman Roman Perez, ang kanilang pagpapahalaga sa kapakanan ng mga kabataan at residente, batay na rin sa resolusyon na nagkaisa nilang ipinasa nitong Hulyo.

“Sapagkat, ang nasabing sabungang bito ay nagdudulot ng mapang-abalang ingay na makakaapekto sa mga gawain ng paaralan at makapagbibigay ng masamang epekto sa pag-aaral mula sa mga paaralang malapit dito, gayindin sa mga residente,” saad ng resolusyon ng Sangguniang Barangay.

Ang sipi ng resolusyon ay ibinahagi nila sa mga tanggapan nina Mayor Angelo Vargas, Vice Mayor Etwin Javaluyas at Aliaga police station.

Nanindigan naman si Luisito Bumanlag, mayari ng sabungan na legal ang kanilang operasyon. Kumpleto aniya sila ng mga dokumento at permiso.

“Hindi namin pinapayagang pumasok dito ang mga menor de edad,” ani Bumanlag.

Batay sa rekord, ang sabungan ay ipinasara noong 2017 dahil sa di-umano’y paglabag sa Presidential Decree 449 o Cockfighting Law of 1974 at reklamo ng dalawang eskwelahan.

Ngunit napagkalooban ito ng permiso ngayong taon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here