Ang isa sa mga frontliners na sumalang sa libreng swab test sa Pandi. Kuha ni Rommel Ramos
PANDI, Bulacan — Para sa patuloy na monitoring at masiguro na hindi tinatamaan ng sakit na Covid-19 ang mga frontliners dito, sila ay isinalang sa libreng swab testing.
Nasa mahigit 80 frontliners mula sa kapulisan, Bureau of Fire Protection, rural health unit, at medical staff ang sabay-sabay na kinuhanan ng specimen para sa RT-PCR test.
Ayon kay Mayor Enrico Roque, ang hakbang na ito ay para mamonitor kung may mga frontliner na ba sa kanilang bayan ang may sakit ng Covid-19.
Mahalaga aniya na maagang matukoy kung sakalingmayroon na ang isa sa mga ito nang sa gayon ay hindi magkahawaan at mapagpatuloy ang serbisyo ng kani-kanilang mga tanggapan.
Ang inisyatibo na ito ay sa paniniwala na kailangan din na protektahanang ang mga tao na pumuprotekta sa pamayanan laban sa Covid-19.
Bukod sa libreng swab test ay ginawaran ng lokal na pamahalaan ng pagkilala ang sakripisyo ng mga frontliners.
Ani Roque, gagawin nilang regular ang swab test ng mga frontliners para ma–monitor ang mga ito at sakali na may magpositibo sa virus ay agad na dadalhin sa quarantine facility para doon na magpagaling.
Ayon sa tala ng MDRRMO, nasa tatlo ang aktibong kaso ng coronavirus dito sa kasalukuyan at nasa 41 na ang gumaling at dalawa naman ang naiulat na namatay.
Samantala, batay sa pinakahuling tala ng Bulacan provincial health office ay umakyat na sa 5,274 ang kabuuang kaso ng Covid-19 sa lalawigan.
Ang active cases ay 1,637 naman habang 3,989 na ang gumaling at 98 na ang naiulat na namatay.
Nasa modified general community quarantine ang buong lalawigan mula Oct. 1 hanggang katapusan ng buwan.