‘Spaghetting pataas, spaghetting pababa
Spaghetti’ pataas, ‘spaghetti’ pababa;
awiting sumikat, dito sa’ting bansa,
na alam kantahin pati riyan ng bata.
Ganun din naman ng mga edad na.
gaya nina Lolo at saka ni Lola;
pati na iba pang sikat na artista,
tuwang-tuwa kapag ito’y kinakanta.
Ngayon may pataas din namang pataas
at napakadalang itong kaakibat,
na pagbaba itong halos na ng lahat,
gaya riyan ng diesel, gasolina, gaas.
Na ang dulot nito sa pangkalahatan
ultimong sibuyas na inaani lang
d’yan sa Nueva Ecija at iba pang lugar
ginto ang katumbas ng halaga niyan.
Ang piso na dati ay salaping papel
nang si Apong Dadong ang Pangulo natin,
na matindi pa riyan itong ‘buying power
ng ating pera ay mai-‘date’ ang ‘girlfriend’.
Ang isang salop na bigas otsenta lang,
katumbas, 3 kilos sa kasalukuyan;
pasahe – minimum, dyes sentimos lamang.
‘four pesos a day’ ang pasahod, regular.
Nang si Apo Lakay riyan ang sumabak
na maupo riyan sa Malacanyang Palace,
murang bilihin pa rin para sa lahat,
hanggang sa maupo si pangulong Erap.
Isang daang piso, pinakamataas
na salaping papel – bago riyan lumabas
ang ‘five hundred pesos paper bill,’ di agad
nasundan ng ngayon, pinakamataas.
Wala rin naman ding ginawang kakaiba
ang sumunod kaya nilaktawan ko na,
at dito sa anak ni Apo pa muna
natin ibaling ang ‘Marites’ kumbaga.
Na heto nga’t sabi tuloy ang pagtaas
ng lahat na yata at hindi maampat,
partikular na nga itong ‘illegal drug’
at saka laganap na kriminalidad.
Kung saan yata ay malalaking tao
ang sangkot at tila sila-sila mismo
ang magkaribal sa bawal na negosyo,
at nagpapatayan sa panahong ito.
Malakanyang itong sa isyung nasabi
lubhang apektado sa ganang marami,
kaya ang pintas riyan nitong mas masyete,
may kahinaan ang ating Presidente?
At spaghetti ngang tuloy sa pagtaas
at walang pagbaba itong lahat-lahat;
diyan si PBBM ngayon nahaharap
sa kung anong-ano klase r’yan ng pintas.
Na kesyo malayo siya kay Apo Lakay,
sa pagharap nito sa maselang bagay;
kayang maipapayo natin ay sumakay
sa kung ano galing nitong kanyang Tatay!