Home Opinion Saan na nga kaya patungo ang mundo?

Saan na nga kaya patungo ang mundo?

1379
0
SHARE

DALA ng hilig ko r’yan sa pagsusulat
ng tula at iba pang uri ng panulat,
gaya ng ‘stage play’ na pinalalabas
sa teatro d’yan tayo unang napasabak.

Nakasanayan ang buhay Zarzuelista,
na kung saan tayo nakasama nina
Trinidad, Lumanog, Guinto at iba pa
bilang ‘Apuntador,’ dekada singkwenta.

Maliban pa kina Laxina, Mallari
ng Macabebe at Arayat, kasali
tayo sa daigdig ng Crissotan pati,
kasama si Peña, makatang babae.

Jose M. Gallardo at iba pang tanyag
na mga makata riyan na katulad
ni Canuto, Galang nitong Sto. Tomas
maliban sa iba pa riyang manunulat.

Bilang ‘script writer’ at isang artista,
kasama si Misis, (komedyante siya)
halos gabi-gabi kami’y kumikita
nang hindi bababa sa halagang treynta.

(Na ang katumbas n’yan sa kasalukuyan
maipambili na nating tatlong kabang
sako ng bigas na .80 centavos lang
isang salop  na tatlong kilo ang laman).

Nang panahong iyon ang halos magdamag
na pag-asikaso sa ganyang palabas,
kahit kami’y pagod at sagad sa puyat
sulit sa amin ang kaukulang bayad.

Di gaya ngayon na ang isang libo r’yan
bumili ka lang ng kalahating kaban
ng bigas, kulang yan, sa tindi kamahal
nang noon ay kinse pesos ang sako n’yan.

Aking isinulat ang bagay na ito,
hindi nang dahil sa ang sarili mismo
ni ‘yours truly’ para  ipagyabang nito
kundi nang para lang ipabatid sa inyo;

Ang pagkakaiba nang noon at ngayon
na mga sanhi r’yan nitong makabagong
takbo ng buhay at industryalisasyon,
na sa lahat na nga ay nagsilbing lason,

Agaw-buhay na ang kulturang pamana
sa atin ng ating mga Lolo’t Lola,
na kagaya nila ay ipamamana
rin sana sa ating mga naging bunga.

Na kung gaano kabilis itong takbo
ng panahon at ng pag-ikot ng mundo,
ang lahat ng bagay ay kasunod nito
sa pag-inog kaya tiis na lang tayo.

Hanggang sa tuluyang tayo’y mapag-iwan
ng lubos sa takbo ng lahat ng bagay;
Kung saan ang buwitre tuloy sa pagyaman,
at ang dukha walang maisubo man lang!?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here