PALAYAN CITY – Nakasisiguro ng maayos na pasilidad at sapat na tubig rigasyon ang mga magsasaka sa pagsisimula ng parating na tanimang panag-ulan.
Ang paniniyak ay ginawa nitong Huwebes ni Engr. Jose Ariel G. Domingo, manager ng Divion III ng National Irrigation Administration- Upper Pampanga River Integrated Irrigation System (NIA-UPRIIS) matapos suriin ang mga dam sa lungsod na ito.
Pinangunahan ni Domingo ang teknikal na pagsusuri sa Aulo Dam at Atate Dam sa layuning masiguro ang intwgridad ng mga nasabing pasilidad patubigan matapos ang lindol na yumanig sa maraming bahagi ng Luzon, kabilang ang Nueva Ecija kamakailan.
Ayon kay Domingo, walang anumang sira o crack ang mga imbakang tubig sa nasasakupan ng Division III kaya walang dapat na ipangamba. Gayunman, muli silang magsusuri sa mga ito sa pasimula ng tag-ulan
“Unang-una ay earthen ang Aulo Dam kaya matatag sa pagyanig,” ani Domingo.
Samantala, ipinakita rin ni Domingo sa Punto! ang magandang sitwasyon ng tubig sa naturang mga dam kung saan masaganang dumadaloy bagaman at halos ay matapos na ang anihang panag-araw.
Paliwanag niya, bukod sa local flows, maging ang Pantabangan Dam ay may sapat na imbak upang simulan ang susunod na cropping season.