Bakas ang kalungkutan ng mga kaanak sa burol ng lola. Kuha ni Rommel Ramos
LUNGSOD NG MALOLOS — Patay ang isang lola matapos atakihin sa puso dahil daw sa sobrang tuwa nang matanggap ang pera mula sa Social Amelioration Program.
Biyernes nang matanggap ni Caridad Oliveros, 69, residente ng Barangay Panasahan, ang ayuda mula sa gobyerno na ibinibigay sa mga apektado ng pandemya.
Dahil daw sa sobrang tuwa ay nauna nang inimbitahan ng lola ang mga kaanak na sa kanila na maghapunan ng araw na iyon dahil kukunin na niya ang ayuda.
Papalabas na daw ito ng bahay nang makaramdam ng pagkahilo at hirap sa paghinga kaya agad na isinugod siya sa ospital ngunit binawian din ng buhay.
Ayon sa panganay na anak ng biktima na si Analiza Maniego, labis ang tuwa ng kaniyang ina nang malamang ito ay makakatanggap ng ayuda.
Sa katunayan, plano pa daw nito na bumili ng litsong manok para masarap na pagsaluhan ng pamilya na ang ipambibili nga ay ang matatanggap na ayuda.
Ngunit tumawag na lamang sa kanya ang nakababata niyang kapatid at sinabing wala na nga ang kanilang nanay.
Napalitan ng kalungkutan ang kasiyahan ng pamilya dahil imbes na sa salo-salo na gamit ang ayudang natanggap ay naipambayad lamang nila ito nang isugod ang biktima sa ospital.