Anong masama kung tayo ay magkontrol
Sa paraang gaya ng isinusulong
Ng pamahalaan, at kung saan itong
‘RH bill’ ang siyang posibleng solusyon?
Upang mapigil ang paglobo ng bigla
Nitong populasyon sa paraang tama?
Kaysa ya’y ating ipagwalang-bahala
At bukas ay maging problema ng bansa
Ang sobrang dami ng ating populasyon,
Sa loob lamang ng mga sampung taon;
Na tiyakang aabot ng daang milyon
Pag’ di nabigyan ng agarang solusyon.
Kaya marapat lang na magiging matatag
Ang ating Pangulo sa kung anong dapat
Nitong maging ‘stand’ sa napakabigat
Na isyung nasabi na kinakaharap
Ng kanyang tanggapan sa kasalukuyan,
Kung saan ang panig ng pamahalaan
At ng Simbahan ang nakataya bilang
Hinggil sa ‘RH bill’ – ang pagpipilian.
Na tinututulan nga partikular na
Ng mga Obispo at ka-Parihan pa,
(Sa dahilang ito ay labag talaga
Sa banal na utos ng Santa Iglesia?)
Pero katulad nga ng ating nasabi,
Di kaya lalo ng kasalanan pati
Sa kautusan ng ating ‘Most Almighty’
Ang tayo ay lubhang sumobra sa dami?
At hindi na natin kayang pakainin
Ang sobrang dami ng mga anak natin,
Na kinakailangan ding papag-aralin
Upang di lumaking mangmang at inutil
Sa puntong naturan, di ko ninanais
Sabihang mali ang alin pa mang panig,
Pero kung kami ang siyang magsusulit
Ng aming pananaw – wala ng hihigit
Sa marapat gawin, at publiko ang siyang
Posibleng higit na mapupulsuhan,
Kung ang panukala ng pamahalaan
O ang sa Simbahan ang dapat pagkinggan.
Sapagkat maliban sa pulso ng bayan
Ay wala na tayong mapapanaligan
Na magbibigay ng tamang kasagutan
Sa kahit anumang usaping pambayan.
Ngayong sa ‘survey’ ay napakalinaw na
Itong ‘RH bill’ ay tanggap po ng Masa,
Anong ikatakot sa banta ng iba
Na iuurong niyan ang suporta nila
Kay P-Noy, kung itong mas nakararami
Ay pabor sa bill na gustong isantabi
Ng ating Simbahan sa puntong nasabi,
Na may himig nga ng pagbabanta pati.
Aywan ng lamang kung ang Pangulong Noynoy
Ay ganap ang tatag upang ang ganitong
Banta ng umano’y lubos na pag-urong
Ng suporta nila’y kaya n’yang i-‘turndown’
Pero, kaysa naman nga itong ‘RH bill’
Ang ilaglag nito’t di bigyan ng pansin,
Kung kami ang siyang muling tatanungin:
Boses ng marami ang marapat dinggin!