Kung katulad nitong hindi pa man ganap
Naipasa ang ‘bill’ na inilulunsad
Upang ito ay tuluyang maging batas
Ay tinututulan na nitong di payag
Na ipairal yan, gaya halimbawa
Nitong ‘RH bill’ na ipinanukala
Sa Kongreso, at sa kasalukuyan nga
Ay pasado na rin sa Senado yata
At ‘go signal’ na lang mula sa Pangulo
Sa pamamagitan ng ‘signature’ nito
Para magkabisa – ay sa puntong ito
Umalma ang Simbahang Katoliko.?
At nagpayag ng umano’y pag-urong
Ng lubusan yatang suporta kay P-Noy?
(Yan sa ganang aming sariling opinion,
Sa puntong naturan ay malaking hamon
Laban sa matatag na paninindigan
Ng ating Pangulong hinggil sa isyung yan
Na di marapat na balewalain lang
Dahilan na rin sa kahalagaan niyan.
At tunay naman ding higit sa alin mang
Bagay na kailangan nitong pagtuunan
Ng matamang pansin sa kasalukuyan
Ay ang mabilis na pagsirit ng bilang
Ng populason ng ating Inang Bansa,
Na araw-araw ay nadaragdagan nga
At patuloy pa ring lumolobong kusa,
Sa walang kontrol na pag-gawa ng bata
Ng nakararami nating kababayan,
Na animo’y wala nang mapaglibangan
Kundi ang sumiping sa asawa po n’yan,
Dala kung minsan ng sobrang kahirapan.
At kung alin itong saksakan ng hirap
Ay siyang ubod dami ang nagiging anak,
Kung kaya sa bawat araw na lumipas,
Ang pasang krus nila’y lalong bumibigat!
Katwiran marahil ng ating Simbahan
Ay labag yan sa Banal na Kautusan,
Pero di ba’t lalo yatang kasalanan
Kung ang anak mo ay mapabayaan lang?
At di mo mabigyan ng magandang bukas,
Dala nga ng iyong pagiging mahirap?
Kung saan ang iba ay inilalaglag
Para di na maragdagan pa ang anak?
Bakit gugustuhin pa nating humantong
Ang pangyayari sa ganitong situasyon,
Gayong may mabisa naman ding solusyon,
Na kagaya nitong ‘sinusulong ngayon?
Na ‘Reproductive Health,’ na siyang nagtatakda
Sa kaparaanang maka-Diyos, at akma
Maging sa batas ng maka-taung gawa;
Pagkat naa-ayon sa talagang tama.
Kaysa hayaan na lamang ng gobyerno
Na lumobong bigla ang bilang ng tao;
Mas makabubuti ng ating iplano
Ang araw ng bukas sa paraang ito
Na itakda ang bilang ng iaanak
Ng bawat pamilya, (lalo sa mahirap)
Upang sa gayon ay malayong dumanas
Itong Inang Bansa ng matinding hirap!