Home Opinion Sa ngalan ni Hesus

Sa ngalan ni Hesus

759
0
SHARE

DATI, ‘PAG sinabing “simbahan” ang tinutukoy natin ay gusali kung saan nagsisimba. Buti na Iang ngayon, mas alam na natin na ang simbahan pala ay tayo – and sambayanang nagkakatipon. Pero kulang pa iyon – dahil hindi pa rin ang pagtitipon ang bumubuo sa simbahan. Ang orihinal na salitang Griyego para sa simbahan ay EKKLESIA, at ang pinaka-ugat na salita ay KALEO, pinagmulan din ng Ingles na CALL. Ibig sabihin ang sambayananang nagtitipon dahil “tinawag sila at tumugon sa tumawag sa kanila” – si Kristo.

Kaya narinig natin “…saan man may dalawa o tatlong nagkakatipon SA NGALAN KO, naroon akong kasama nila.” Mateo 18:20. Sa ngalan ng tumawag sa atin – oo kahit dalawa o tatlo lang. Higit na mas marami nga tayo sa dalawa o tatlong daan sa loob ng simbahang ito. Paano malalaman, o ano ang palatandaan na ang pagtitipon ay ginagawa natin sa pangalan ng Panginoon na tumawag sa atin? Dalawang bagay ang ibabahagi ko, batay sa ating mga pagbasa: 

Una, kapag nagiging daan ng pagkakasundo ang ating pagtitipon. Ikalawa, kapag nagkakaisa tayo sa panalangin. 

PAGKAKASUNDO

Una, tagapamagitan ng pagkakasundo. Apat na paraan ang ibinibigay ng ebanghelyo, mga bagay na pwedeng gawin para makipagkasundo sa kaaway. Una, kausapin daw muna siya nang sarilinan. Take note, sarilinan; ibig sabihin, iingatan mong hindi siya mapahiya sa iba. 

Pero mukhang alam ni Hesus na hindi laging umuubra ito. Sabi ng mga psychologists, kung ang dating ng pakikipag-usap ay parang akusasyon, magiging defensive lang ang kausap, magsasara siya imbes na makinig. Mas mabuti na i-express – hindi akusasyon kundi sariling pakiramdam o pinagdaraanan.

Buti na lang meron pang pangalawang paraan pag di umubra ang personal approach – magsama daw ng isa o dalawa – ibig sabihin, mga taong iginagalang niya at tipong pakikinggan niya: pwedeng magulang nito o best friend?

Pero paano kung hindi pa rin siya makinig? Isangguni daw sa simbahan o sa buong kapulungan ng mga kapwa alagad. At kung hindi pa rin siya makikinig, ituring daw siya bilang isang Hentil o tax-collector. Ibig bang sabihin itiwalag na siya o putulin na ang kaugnayan sa kanya? A, teka, tandaan, si San Mateo ang nagsulat nito – ang dating tax-collector. At tandaan din ang Roman Centurion (Hentil) na humingi ng tulong sa kanya at pinagbigyan niya, kahit ang tingin sa kanya ng mga Hudyo ay kalaban o madumi. 

Di ba ayon sa ating tradisyunal na sakramento ng pakikipagkasundo, may apat na sangkap ng pagkakasundo? Pag-amin, pagsisisi, pagkukumpuni, at papapatawad? 

Kaya siguro ginamit ni Hesus ang larawan ng pagtatali at pagkakalag para sa misyon ng pagkakasundo. Ang unang tatlong sangkap ng sakramento ay may kinalaman sa pagtatali: ibig sabihin, papanagutin ang dapat managot. Akuhin ang kamaliang nagawa, huwag nang isumbat sa iba, pagsisihan, pagbayaran. Siyempre ang kasunod ay pagkakalag, ang larawan ng patawad, o pagpapalaya sa kulungan ng galit at hinanakit. 

Dalawang palatandaan ang sinabi ko na pagninilayan natin para malaman kung ang ating pagtitipon ay ginagawa natin sa pangalan ng Panginoon na tumawag sa atin? Una PAKIKIPAGKASUNDO. Ano ang pangalawa? Pagkakaisa sa panalangin. 

PAGKAKAISA SA PANALANGIN 

Isa sa mga mahalagang parte ng Misa ay ang Panalangin ng Bayan. Minsan may nagtanong sa akin, bakit po ba kailangan pang banggitin ang mga pangalan sa Mass intentions? Alam naman ng Diyos. Sabi ko, Kasi importanteng alam din ng bayan. Para makipagkaisa tayo ng puso at diwa sa pananalangin para sa kapwa. Di ba sinabi ito ni Hesus sa Mat 18:19? “Tandaan din ninyo: kung ang dalawa sa inyo ay nagkaisa dito sa lupa sa paghingi ng anuman, ito’y ipagkakaloob sa inyo ng aking Ama na nasa langit.” 

Paalala: siryosohin natin ang mga pinangakuan natin na isasama sa ating mga panalangin. Isulat sa papel ang pangalan at intensyon at kung kailan ipagdarasal. At mas magandang sabihing: “I will pray with you,” kaysa “I will pray for you.” Magandang reminder din ito sa humihiling, siya pa rin ang main prayer warrior, supporting warrior ka lang.

Kaya sa panalangin napakahalaga ng pakikinig at pakikiramdam sa pinagdaraanan ng kapwa. Sa ganyang paraan lang tayo matututong “makigalak sa mga nagagalak at makiluksa sa mga nagluluksa.” Sa panalangin lumalakas ang pakikibuklod natin ng puso at diwa sa kapwa alagad. Sa ganyan tayo nagiging sambayanang tumutugon sa tawag ni Kristo.

May pangatlo pa, pero conclusion na lang: ang nagkakatipon sa ngalan ni Kristo ay nagiging kinatawan ni Kristo. Sa pakikinig natin sa Salita ng Diyos at pagtanggap sa katawan Kristo, hindi natin siya sa tiyan ipinapasok at binabago para maging kabahagi natin. Tayo ang binabago niya at ginagawang bahagi ng katawan niya. Para sa ating pagkilos, gawain at pagtitipon, si Kristo mismo ang siyang kumilos at magpatuloy ng kanyang misyon: ang pagsasaatin ng kaharian ng Diyos. 

(Ika-23 Linggo ng Karaniwang Panahon, 10 Setyembre 2023, Mat 18,15-20)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here