Sa matataas na sasakyan
    Bagong toll fee ipatutupad sa Hulyo 1

    339
    0
    SHARE

    GUIGUINTO, Bulacan—Simula sa Hulyo 1, ang mga sasakyang may taas na higit sa pitong talampakan ay sisingilin ng mas mataas na toll fee sa North Luzon Expressway (NLEx).

    Ito ay kaugnay ng pagpapatupad ng Tollways Management Corporation (TMC) ng kasunduan sa pagitan ng konsesyunaryong Manila North Tollways Corporation (MNTC) at Toll Regulatory Board (TRB).

    Ayon kay Bobby Bontia, bise presidente ng TMC para sa tollways operation, isinasaad ng kasunduan na ang mga sasakyang may dalawang axle at may taas na higit sa pitong talampakan ay nabibilang sa kategoryang Class 2.

    Ngunit ang kasunduang ito ay hindi agad ipinatupad ng MNTC at TMC matapos nilang hawakan ang pamamahala sa NLEx noong 2005. Sa halip, ang mga katulad na sasakyan ay sinisingil lamang bilang Class 1.

    Ang mga sasakyang nabibilang sa Class 1 ay sinisingil lamang ng inisyal na P45 sa pagpasok sa NLEx, at ang Class 2 ay nagbabayad ng toll fee na P114.

    Bilang bahagi ng pagbabago at pagpapatupad ng kasunduan, sinabi ni Bontia na mula pa noong nakaraang buwan ay namahagi na sila ng mga mga polyeto sa mga motorista. Layunin nito na ipabatid at ipaunawa ang mga pagbabago sa singil.

    “Tuloy na ang pagbabagoi ng singil sa July 1,” ani Bontia sa isang panayam.

    Nilinaw pa niya na mas naunang nagpatupad ng katulad na polisiya ang South Luzon Expressway (SLEx).

    Kaugnay ng pagpapatupad sa bagoing singil sa mataaas na sasakyan, sinabi ni Bontia na maglalagay sila ng mga sukatan o marker sa bawat toll plaza ng NLEx.

    Ito ay upang maging reperensiya ng mga motorista at maiwasana ng di pagkakaunawaan.

    Samantala, ipinahayag din ni Bontia ang napipintong pagbubukas ng bagong gawang Bocaue Interchange sa northbound ng NLEx.

    Katulad ng kasalukuyang interchange sa southbound ng Bocaue, sinabi ni Bontia na ang bagong interchange ay magkakaroon ng tatlong toll booth.

    Ito ay hudyat din ng pagsisimula ng paniningil ng toll fee ng ng TMC sa mga motoristang lalabas sa northbound ng Bocaue Interchange.

    Ang kalsada mula sa NLEx patungo sa interchange ay nilaparan mula pa noong Enero. Nakikipag-ugnayan din ang MNTC sa lokal na pamahalaan para sa pagpapalapad ng kalsada paglampas sa interchange.

    Nilinaw ni Bontia na ang Bocaue Interchange ay di sakop ng open system ng NLEx kung saan ay sumisingil sila ng flat rate na toll fee.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here