Ang bayang lugmok na, sa pagka-alipin
Likha ng dayuhang sa ati’y sumupil
Panulat at pluma ng isang magiting
Ang Gat Jose Rizal, bayaning tinuring.
Ang Noli at Fili, ang dalawang aklat
Pumukaw sa puso, ng maraming Elias
Tapang na nanlamig, ay biglang nagningas
Bayan ay nag-alsa, ang gamit ay tabak.
Ating kabataan, pag-asa ng bayan
Sa wikang minana, ang hindi magmahal
Daig pa ang isdang amoy na masangsang
Isang talinghaga, ni Gat Jose Rizal.
Kinilalang henyo ng buong daigdig
Maraming lengguahe, kanyang nababatid
Marunong sa baril, bihasa sa arnis
Iilang babae, sa kanya’y umibig.
Habang nakapiit, sa isang kulungan
Naghihintay na lamang, pagkitil sa buhay
Sumulat ng tula, sa bayan ay alay
Kanyang obra maestra, Ang Huling Paalam.
Mata’y nakapiring, hudyat winagayway
Putok ay narinig, punglo ay naglakbay
Humarap ng bigla, ang bayaning Rizal
Tumagos sa dibdib, buhay ay nakitlan.
Si Rizal iisa, wala na, wala na
Paglayang tinamo, nauwi sa bula
Kung kaya’t ‘sang hamon, tayo’y magka-isa
Bansang Pilipinas, ating ibandila.
May Rizal pa kayang sisilay sa mundo?
Ihandog ang buhay, ang angking talino
O siya’y magsisilbing bayani ng siglo
Palamuti na lang, sa bilog na piso.
Kung ang bayang ito’y muling alipinin
Sa mga kuko ng mabangis na lawin
Di ka man si Rizal, sisiw man sa tingin
Handang ipagtanggol, ang watawat natin.