NGAYONG adose ng buwan nitong Hunyo,
ipagdiriwang ng mga Pilipino
ang sa ganang iba ay hindi totoo
na kalayaang may taglay na anino.
At tubog sa tanso nating masasabi
itong hindi tunay na pagsasarili,
na tinatamasa sa araw at gabi
nitong halos lahat o ng mas marami.
Sa kadahilanang tayo’y di pa ganap
na nakawala sa kukong matatalas
ng mapang-aliping sa lahat ng oras
nakamasid mula sa ibayong dagat.
Sapagkat tama at tayo’y may sariling
mga pinuno na pawang magagaling,
pero nagagawa silang paikutin
ni Uncle Sam at ibang karatig natin.
Partikular na r’yan ng mga may hawak
nitong malalaking Mall sa Filipinas,
na sila halos ang may-ari nang lahat
ng negosyong bawal at labag sa batas.
Anumang hingin n’yan sa nasa gobyerno
hindi makapalag itong kahit sino,
lalo’t milyones ang itinulong nito
sa kandidatura ng mga nanalo.
At kung itong nabiyayaan ng tulong
para may magamit nang sila’y humabol
yan kapag sinuwerte sa laban ay pihong
isisingil n’yan ang naging kontribusyon.
Diyan pumapasok ang isyung ika nga
ang tayo ay di pa ganap na malaya
sa kamay ng mga mapagsamantala,
na may hawak sa leeg ng Inangbansa.
At ang nasa likod ng pilak na tabing
ay ang anino ni Uncle Sam sa ating
likuran, at tangan sa isang kamay pa rin
ang maskarang may palamuting bituin.
Na ayaw tigilan ang panghihimasok
sa ‘internal affairs’ nitong di niya sakop,
kaya nga’t sa ganang akin di pa lubos
nakawala tayo sa pagkaka-gapos.
At habang tayo r’yan ay sunod-sunuran
sa kung anong sa’tin ay idikta riyan
ng iba pang sa’tin lubhang mapakialam,
huwag ipagkibit balikat na lamang.
Nang sa gayon sila ay di mamihasa
sa nakagisnang hindi kaaya-aya,
na katulad ng ginagawa ng China
sa nasasakupan na natin noon pa.
Na hayan, patuloy itong pagtatangka
nila na masakop itong ating bansa,
na mula’t sapol ay ito ay atin nga,
kaya’t ang intension, nakababahala.
Sa puntong ‘yan anong klaseng kasarinlan
itong dito sa’tin ngayon nananahan
kundi nang kawalan d’yan ng katatagan,
ng ika nga’y Huwad (daw) na Kasarinlan?!