Home Headlines Sa banta ng China na aarestuhin ang papasok sa Bajo de Masinloc,...

Sa banta ng China na aarestuhin ang papasok sa Bajo de Masinloc, masama ang loob ng ilang mangingisda sa Bataan

432
0
SHARE

MARIVELES, Bataan: Nagpahayag ng pagtutol at sama ng loob  nitong Lunes  ang ilang  mangingisda sa Mariveles, Bataan sa banta ng China na aarestuhin ang papasok sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal.

Ayon sa mga mangingisda,   ang lugar na inaangkin ng China ay pag-aari ng Pilipinas. “Nasa labas ng China ‘yan at nasa boundary ng Pilipinas. Napakalayo naman sa China. Hindi na area ng China ‘yan.  Hindi ko gusto gagawin ng China. Mawawalan ng hanapbuhay ang mga mangingisdang Filipino,” sabi ng isang kapitan ng bangkang pangisda. 

Sa ngayon, sabi nito,  sa Recto Bank na malayo sa Scarborough Shoal sila nangingisda kung saan nakakasama nila ang mga mangingisda ng Vietnam at China.  

“OK naman pangingisda namin  sa Recto Bank kaya lang  malalakas ang ilaw ng mga Vietnamese kaya kung minsan nahahagip at natatangay ang lamang isda ng payao namin,” pahayag ng kapitan.

Masama naman ang loob ng isa pang kapitan ng bangka. “Sa sarili nating karagatan,  tayo pa ang pinapaalis. Naniniwala akong  sa Pilipinas ‘yon dahil maliliit pa kami doon na kami nangingisda.”

Katulad ng ibang mangingisda sa Barangay Sisiman sa Mariveles, matapos bawalan sa Scarborough Shoal, sa Recto Bank naglagay ng payao ang dalawang kapitan. 

“Malayo naman ito sa pambubully ng China pero hindi rin maiwasan paikot-ikot pa rin sila (China). Nagmamasid pa rin sila sa atin. Nag-iingat na lang kami dahil  wala tayong panlaban doon.  Ordinary lang tayong mangingisda,” sabi ng kapitan.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here