MAGANDA itong ordinansang naisip
Ng ating butihing Mayor ng Apalit,
Ng Bise Alkalde’t mga Konsehales,
Na ipagbawal na ang supot na plastik;
Sa lahat ng mga nagtitinda rito
Ng anuman na ya’y ipambalot nito
O mapaglagyan ng pinamili mismo
Ng mga customer n’yan ng kahit ano.
Partikular itong mga nagtitinda
Ng gulay, isda at ibang kauri pa
Na siyang sa lahat na’y bale nangunguna
Sa ‘plastic bag users’ kumpara sa iba.
Maganda rin naman ang kinalabasan
Nitong ordinansa sa pangkalahatan,
Sapagkat natuto namang makibagay
Pati itong hindi taga Apalit diyan
Na nagtitinda sa loob ng palengke
Pati na rin itong mga mamimili,
Magmula nitong ang utos na nasabi
Ay ipairal ng buong higpit pati.
Maging ang iba pa na kahalintulad
Ng DD’s, Save More at ilan pang Supermart,
Kasama na riyan ang mga magbibigas
At mga ‘hardware’ ay nagsunuran lahat.
At di lamang taga Apalit ang kwenta
Nabiyayaan sa ipinagbawal na
Pag-gamit ng supot na plastik at saka
Ng iba pang salot sa naturalesa.
Dahilan na rin sa lubhang nabawasan
Ang basura n’yan sa sariling tahanan
Mula nang ang ‘plastic bag’ ay ipagbawal
Ni Mayor Tetangco sa kanilang bayan.
At kung saan pati ibang munisipyo
Ay nabawasan din sa panahong ito
Ang problema nila dahil na rin dito
Sa ordinansang yan ni Mayor Tetangco.
At tunay naman ding masasabi nating
Dito sa Apalit halos nanggagaling
Ang basurang plastik nitong namimiling
Taga Macabebe at karatig pa rin
O iba pang lugar gaya ng Masantol,
Parte ng Minalin at nitong San Simon;
Kung saan nang dahil kay Apalit mayor
Oca Tetangco ay umunti na ngayon
Ang basura nila na dapat itapon,
Dala nga r’yan nitong biodegradable
Na ang ‘paper bag’ na ginagamit ngayon
Nitong nagtitinda sa palengke at mall.
At nabawasan din ang pagbara’t sukat
Ng mga kanal kung ulan ay malakas,
Na inaasahang magbibigay lunas
Sa matinding baha sa’ting komunidad.
Ngayong itong dating daluyan ng tubig,
Gaya ng imburnal, ilog at mga ‘creek’
Ay di na barado ng dahil sa plastik
Na ‘pinagbawal na dito sa Apalit.
Na inaasahang posibleng tularan
Ng iba pang mga lokal na opisyal
Si Mayor Tetangco sa ordinansa niyan
Na nararapat din nilang ipairal.
Itong zero plastic sa kanilang bayan
Upang hangga’t maaga ay maiwasan
Ang matinding baha at pagkasira riyan
Ng naturalesa at kapaligiran!