Home Headlines RT-PCR testing sa Green City Medical Center suspendido

RT-PCR testing sa Green City Medical Center suspendido

1354
0
SHARE

LUNGSOD NG SAN FERNANDO — Sinuspinde ng Department of Health at Research Institute for Tropical Medicine ang RT-PCR testing ng Green City Medical Center dito dahil sa paglabag sa protocol.

Ito ay kaugnay ng isinagawang imbestigasyon ng health committee ng Sangguniang Panlalawigan ng Pampanga kasama ang DOH at RITM kung saan ipinatawag ang nasabing ospital kasama ang Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital, at Clark Molecular at Laboratory ng Philippine Red Cross na mga DOH-accredited laboratories hinggil sa magulong Covid-19 test results sa lalawigan.

Ayon kay Gov. Dennis Pineda, pansamantalang nakasuspinde ang RT-PCR test ng Green City at kailangan muna nitong magcomply bago makapagbukas ng operasyon.

May problema umano ito sa proseso ng Covid-19 test kaya inirekomenda ang 30-day closure ng RT-PCR test ng kanilang laboratory.

Hindi daw kasi naconfirm ng Green City ang mga resulta ng Covid-19 test na nailabas at hindi nai-run ulit.

Kasunod nito ay nagpahayag aniya ang RITM na maghihigpit sa lahat ng molecular laboratory sa buong bansa para tingnan kung nakakasunod nga sa protocol ang mga laboratoryo.

Dagdag pa ni Pineda, importante ang ganitong hakbang dahil sa nangyari sa Pampanga na ang pagtaas ng bilang ng Covid-19 cases na kung ang dahilan pala ay ang maling proseso testing.

Gayunpaman, lumabas din sa imbestigasyon na ang mga naapektuhan na pasyente kung false positive ang naging resulta ng Covid-19 test ay hindi na maaring mairecheck pa.

Sa ngayon, aniya, ang mahalaga ay sisiguruhin na ng RITM na ang lahat ng lalabas ng resulta ng Covid-19 test mula sa mga laboratoryo ay reliable.

Nagpahayag ng pagduda si Pineda sa totoong bilang ng confirmed cases ng Covid-19 sa lalawigan dahil kung nasa 15,000 ang naitest ng Green City ay ilang porsiyento kaya sa mga ito ang false positive na naidagdag sa kabuuang bilang ng confirmed cases sa Pampanga.

Samantala, ani Pineda, bagamat may mga corrections din na kailangan gawin ang Red Cross at JBL Memorial Hospital ay tuloy pa rin naman ang operasyon ng mga laboratoryo ng mga ito.

Ayon naman kay Pampanga board member Anthony Torres, chairman ng health committee, natanggap na nila ang kopya ng recommendation ng DOH at RITM hinggil dito at ipapasa na nila ito sa plenaryo para sa possible legislation.

Sa naging resulta ng pagdinig na ito ay hindi lamang aniya ang Pampanga ang magbebenepisyo kundi ang buong bansa para bantayan ang mga molecular laboratories na siguruhin na sumunod ang mga ito sa mga protocols.

Nilinaw niya na ang pagko-conduct lamang ng Green City ng RT-PCR test ang sinuspinde ng DOH at RITM at hindi ang buong laboratoryo nito at papayagan naman na makabalik sa operasyon kung maka-comply ito sa proficiency test.

Ayon naman kay Richard Ryan Mergal, chief medical technologist ng Green City, hindi pa sila nakatatanggap ng memorandum mula sa RITM at nakatanggap naman sila ng sulat mula sa Health Facilities Regulatory Bureau na binibigyan sila ng 30-araw para mag-adjust sa operasyon.

Nasa rekomendasyon daw ng HFRB ang pagsasanay ng personnel at isama sa policy ang proficiency testing.

Aniya, may kaibahan kasi pagdating sa protocol dahil iba ang protocol ng RITM habang sila ay nagsanay naman sa ibang institusyon.

Gayunpaman ay nakikita nila itong isang oportunidad dahil nabigyan sila ng slot para sa pagsasanay sa DOH.

Sa ngayon ay pansamantala din nilang isasara ang kanilang Covid testing facility upang magdisinfect o maglinis dito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here